ANG PARAAN NG TAO AY UTANG; ANG PARAAN NG DIYOS AY IPON

rene resurrection

“BUY now, pay la­ter.”  “Bili na ngayon, bahala na ang kabayaran  bukas.”  Iyan ang hangal na paraan ng tao.  Isa pang pa­raan ng tao: “Nasa huli ang pagsisisi.”  Ang ibig ng Maykapal para sa sangkatauhan ay ang matamasa nila ang buhay na walang hanggan at masaganang buhay.  Kaya Siya nagtuturo ng mga matatalinong prinsipyo sa panga­ngasiwa ng kaperahan at sa lahat nating ari-arian.  Subalit may kalaban ang Diyos.  Ang kalooban ng kalaban ay wasakin ang buhay ng sangkatauhan.  Ang babala ni Jesus, “Ang magnanakaw ay dumarating upang magnakaw, pumatay at manira.” (Juan 10:10).  Tanong: nakikita na ba natin ang pagkawasak ng buhay ng maraming tao sa ngayon?  Oo, ito ay dahil sa hindi nila alam at lalong hindi  nila sinusunod ang mga matataling prinsipyo ng Panginoon.

Napakaraming mga tukso ang nagkalat sa ating paligid ngayon. Naglalakihan ang mga karatula na umuudyok at tumutukso sa mga taong bumili nang bumili hanggang sa magkaubos-ubos na ang lahat ng kanilang pera. Kung wala nang pera, at gusto pa rin nilang bumili, walang problema, inimbento naman ang credit cards para ang mga taong uto-uto at kulang sa pagpipigil sa sarili ay makabibili  pa rin kahit ubos na ang pera nila. Gina­gamit nilang pambili ang mga perang kikitain pa lang nila sa kinabukasan.

Deficit ang buhay nila.  Negatibo ang kalagayan nila sa pera.  ‘Pag babayaran na nila ang mga binili nila sa utang, may mga singil na tubo o interes iyon, kaya, palubog nang palubog ang kalagayan nila.  Pahirap nang pahirap ang sitwasyon nila.  Patindi nang patindi ang balisa at takot nila.  Hanggang sa tatawagan na sila ng mga nagpautang at sisingilin sila.  ‘Pag hindi sila ma­kabayad  sa tamang oras, gagawing patong-patong ang interes na sisingilin sa kanila.  Sasamahan pa ng pananakot ng mga naniningil.

Darating ang panahong matatauhan na ang mga mangungutang.  Mapagtatanto nilang walang kalutasan na ang kanilang kalagayan.  Magsisisi sila ngayon.  Iiyak-iyak pa silang hihingi ng saklolo mula sa Diyos at sa ibang tao.  Ang ibang matitigas ang puso at sakdal-hangal ay magagalit pa sa Diyos at sisisihin ang Diyos sa kanilang abang kalagayan. Kaya nga sinabi ni Solomon ukol sa mga taong ito, “Ipinapahamak ng mangmang ang kanyang sarili, pagkatapos si Yahweh ang kanyang sinisisi” (Kawikaan 19:3).

Ang paraan ng Diyos sa pagyaman ng tao ay ang huwag magmada­ling magpayaman. Dahan-dahan lang, unti-unti lang, subalit matiyaga at walang humpay sa pag-iipon.  Ang kahirapan ay gaya ng batong matigas na kayang madurog at maagnas sa pamamagitan ng walang tigil na patak ng tubig.  Ang sabi ng salawikaing Filipino:

“Batumbahay mang sakdal ng tigas

Sa ilang tikatik pilit naaagnas.”

Ang babala ng Bibliya ay ito: ang taong nagmamadaling  yumaman ay nahuhulog sa maraming kapahamakan. Sa halip na yumaman ay lalo lang nawawalan ng pera at lalo lang pahirap nang pahirap ang kalagayan. Pasama nang pasama ang sitwas­yon ng mga taong nagmamadaling yumaman.  Sila iyong madalas mahulog sa malaking pagkakautang na hindi na nila kayang bayaran.

Ang turo ng Bibliya, “Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man (Roma 13:8, SND Version).  At ang turo naman ng Kawikaan 22:7 (ADB) ay “Ang manghihiram ay alipin ng nagpapahiram.” ‘Pag sinunod natin ang mga payong ito, malalayo tayo sa gulo.  Maiiwasan natin ang mga walang kapararakangpagkabalisa sa buhay.  Tanong: Kung ayaw pala ng Diyos na tayo ay umutang, ano ang gagawin natin kung mayroon tayong kaila­ngang bilhin?  Ang sagot: ang gusto ng Diyos ay magtrabaho muna tayo.

Kung kaya natin, tayo na lang ang gumawa o lumikha ng mga bagay na gusto nating bilhin.  Ang gusto ng Diyos ay magtipid tayo. Huwag maging maluho sa buhay.  Matutong mag-ipon. At matutong magpalaki ng ating ipin sa pamamagitan ng mga wasto at matatalinong pamumuhunan. Huwag gagastos nang hi­git sa iyong kinikita. Ang sabi ng Kawikaan 21:20, “Sa bahay ng matalino ay mayroong mga nakaimpok na piling pagkain at langis, subalit ginagastos ng mangmang ang lahat-lahat.”

Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakakaisang libo.

Comments are closed.