SA PAGTATAPOS ng buwan ng Enero ay lumalapit naman tayo sa buwan na kilala para sa makulay na pagdiriwang ng sining sa bansa.
Ang mga kaganapan sa ilalim ng PASINAYA 2023 ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas at ang mga eksibit at ganap sa ilalim naman ng Art Fair Philippines 2023 ay nasa kalendaryo na ng marami sa mga suki ng sining sa bansa.
Sa unang linggo ng Pebrero, mula ika-3 hanggang ika-5 ng buwan, ay magaganap ang pinakamalaking taunang multi-arts festival sa bansa, ang PASINAYA ng CCP. Para sa 2023, balik na sa in-person events ang mga pagdiriwang na gaganapin sa iba’t ibang sulok ng CCP Complex at sa mga ka-partner nitong mga museo at gallery. Lagpas isandaan ang mga pagtatanghal, palihan, at iba pang mga aktibidad sa larangan ng musika, teatro, sayaw, sining biswal, pelikula, at panitikan.
Ang tema para sa PASINAYA 2023: The CCP Open House Festival ay Piglas Sining. Mayroon itong limang bahagi: Pagtitipon (pagsasama-sama ng mga grupo at indibidwal mula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa upang pag-usapan ang mga programa), Palihan (workshop-all-you-can), Palabas (see-all-you-can, pay-what-you-can), Palitan (arts market o pagpipitch ng mga manlilikha para sa posibleng magpondo ng kanilang mga proyekto), at Paseo Museo (pagbisita sa iba’t-ibang museo sa Metro Manila).
Inaasahan ng CCP na aabot sa 14,000 ang mga bibisita sa naturang pagdiriwang. Pinaaalalahanan ang publiko na magsuot ng mask at sumunod sa mga health and safety measures para maging ligtas ang pagdiriwang para sa lahat ng pupunta, lalo na sa mga bata at mga senior citizens. Para makapasok sa festival, hinihimok ang bawat bisita na mag-donate ng P50 para sa wristband.
(Itutuloy)