SAAN at papaano nga ba nagsimula ang sabong? Maraming alamat o kuwento na maaaring kapulutan ng tunay na sinimulan ng sabong. Sa Europa, Gitnang Silangan (Middle East), Asya, Central at South America ay ‘di mabibilang ang kanilang karanasan kung bakit sila nahilig sa sabong.
Malinaw sa kasaysayan na sina Ferdinand Magellan at Figefetta, mga maglalayag mula sa Kaharian ng Espanya nang sila ay napadpad sa baybayin ng Palawan ay nagulat nang madatnan nila na ang mga katutubo sa islang ito ay naglalaban na ng mga neytib na manok. Kitang-kita ng mga dayuhan ang sigla at saya ng mga kalalakihan habang sila ay nagsasabong. Sa manuscripts na sinulat ni Figefetta ay inilagay niya ang kakaibang karanasan na ito.
Bawat kontinente sa mundo ay may kanya-kanyang lahit ng mga manok na kanilang nilalaban. Sa Asya, ang mga tinatawag na ASIL o mga manok na tumitimbang mahigit tatlong kilo at ang istilo ng kanilang sabong ay NAKED HEEL o walang sandata at patibayan ang laban. Idedeklarang panalo ang manok kung ang kalaban ay tumakbo at wala nang kakayahang lumaban pa. Ito ay labanan ng tapang, tibay at basaan. Sa Thailand, ang COCKBOXING ay bahagi na rin ng kanilang turismo kung saan sila ay nagpapasabong gamit ang mga naglalakihang manok na ito at may mga huradong nagbibigay ng puntos sa bawat palo ng isa’t isa tulad ng boksing. Nakatutuwang pagmasdan ang laban na dahil halos hindi lumilipad ang mga manok at kanilang ulo, pakpak at paa lamang ang ginagamit na panlaban at pangdepensa sa kalaban. Tumatagal ang sabong ng halos isang oras at ang talagang magagaling ay napatutumba ang kanilang kalaban o knockput sa pamamagitan ng palo sa ulo ng kalaban. Walang sandata kundi ang kanilang mga tahid o natural Spurs ang gamit ng mga ito. Ang mga manok na ito ay sumasailalim sa matinding pagsasanay tulad ng isang boksingero dahil patagalan at patibayan ang kanilang labanan. Karamihan sa kanila ay ulo ang pinupuntirya (Head Hunters) at ang iba naman ay body punchers. Sa ganitong labanan ay may mga lahing magagaling umasinta sa ulo ng kalaban at mayroon din namang magaling umilag o umiwas sa palo ng katunggali. Sa Thailand ay isang tourist attraction ang COCKBOXING tulad ng kanilang KICKBOXING o Muay Thai. Para sa kanila, ito ay mas katanggap-tanggap dahil hindi namamatay ang mga manok ‘di tulad sa sabong dito sa ating bansa na kinakabitan ng tari ang bawat manok bago ilaban.
Bawat lugar sa mundo ay may kanya-kanyang istilo ng laban, gamit na sandata o tari at iba’t ibang pamantayan kung papaano.
Idedeklara ang nanalo sa laban. Ang laban sa Thailand ay isa lamang uri sa napakaraming sabong sa buong mundo. Y’an po ay tatalakayin ko sa mga susunod na edisyon ng PUSONG SABUNGERO.
Sa librong aking nabasa, alam ba ninyo na sa sabong humuhugot ng lakas ng loob at inspirasyon ang mga Hari sa Gitnang SIlangan tuwing panahon ng giyera? Isang magandang halimbawa ay bago sumabak sa giyera ang mga sundalo, ang Hari ay magpapasabong upang malibang ang mga ito at bigyan ng inspirasyon sa katapangang taglay ng manok sa pakikipagdigmaan.
Sa labanang ito ay tinitipon niya ang mga sundalo at paglalabanin ang dalawang manok hanggang ang isa ay mamatay o sumuko sa laban. Pagkatapos ng labanang ito ay magsasalita ang Hari sa aral na idinulot ng katapangan at ‘never say die’ attitude ng mga manok pansabong. Ito ang baon ng bawat sundalo sa tuwing sila ay lalaban sa giyera at ito rin ang inaasahan ng kanilang Hari, lumaban hanggang sa huling hininga at sa huling patak ng kanilang dugo.
Mga kasabong, napakaraming mga kuwentong sabong na aantig sa ating puso, mga aral na dulot nito at higit sa lahat ang kaligayahang hatid ng sabong sa nakakaraming nahuhumaling dito. Maraming nagtatanong, ano ba mayroon ang manok at ito ay kinababaliwan ng mga Pilipino. Hindi ko masasagot dahil ako rin ay kasama sa mga Pilipinong napamahal sa mga nilalang na ito na hindi mo masukat ang ibinibigay niyang kaligayahan at kabuhayan sa milyong-milyong Pilipino.
Hanggang sa susunod na Linggo, mga kasabong. Ang inyong lingkod ay maghahatid sa inyo ng mga kaalaman, impormasyon, kaganapan at sariwang balita mula sa PUSONG SABUNGERO.
Tuwing Linggo, kayo po ay aking inaanyayahang manood ng TUKAAN, 8:00 ng umaga sa Channel 5.
Maraming salamat po!!!
Comments are closed.