ANG PRE-HISPANIC NA FILIPINO

MASAlamin

NASUMPUNGAN ng mga mandaragat na Kastila ang mga katutubo ng archipelago na pawang marangya kung ginto at kabaitan din lamang ang pag-uusapan.

Ang mga tao noon sa Filipinas  ay may hitik na ginto na nakapulupot sa kani-kanilang katawan. May ikinasal nga, ‘yung babae higit sa 20 kilo ng ginto ang nakabalot sa kanyang katawan. Ganyan ka­yaman ang Filipino bago dumating ang mga Kastila.

Nang dumating ang mga prayle, ipinahukay lahat ng mga nakalibing na yumaong Filipino at kinolekta ang mga gintong nakabaon kasama ng kanilang mga bangkay. Ang ilang porsiyento ay ipinadala sa Espanya at ang iba naman ay pinaghatian na ng opisyal ng gobyerno at ng mga pari.

Sinunog ang mga record na patungkol sa ating mga kuwento, samantalang ginamit ng mga Kastila ang salita ng Bibliya at pulpito para sa kanilang makasariling intensiyon.

Matapos ang Kastila ay digmaan naman laban sa Estados Unidos at pagkasakop sa atin, nilula tayo ng ganda ng lahat basta stateside,  ika nga. Matapos naman ay ang panggagahasa sa bansa ng bansang Hapon. Matapos noon ay inipit tayo sa gitna ng mga nagbabanggaang ideyolohiya na Marxist at Global Capitalist.

Lalo nang nalito ang Filipino habang kumakalam ang sikmura at patuloy na ibinabaon sa utang ng World Bank at International Mo­netary Fund.

Hindi nagawa ng bansa na maging isang industrialized nation. Naging sunud-sunuran sa dikta ng polisiya ng ibang bansa at merkado, nanginginig ang tuhod dahil sa malnutrisyon habang patuloy na nagpapaalipin sa sariling bansa. Pinaghihirapang hukayin ang ginto upang ilagak sa paanan ng oligarkiya at mga banyaga.

Maging ang armadong pakikibaka na si­nimulan ni Joma Sison ay nagmukha na lamang katawa-tawa dahil nagmistulang pantutulisan na lamang.

Para umasenso ang isang bansa, kinakaila­ngan ng mga pangunahing imprastraktura ka­tulad ng transportasyon, seguridad, koryente  at pasilidad para sa komunikasyon. Sa transportasyon ay mabigat na trapiko at kakulangan ng pampublikong mga sasakyan ang malaking hamon.

Sa seguridad ay huling-huli ang a­ting sandatahang lakas kumpara sa ating mga kapit-bahay sa Asya, at ang pulisya naman ay patuloy na kinakaila­ngang linisin mula sa masasamang elemento na nakapaloob dito. Sa komunikasyon, res­pektable na ang ating antas sa komunikasyon bagaman ang internet sa Filipinas ang isa sa pinakamabagal sa buong daigdig.

Ang hamon sa ating bansa ay maging isang industrialized na bansa at dito dapat nakatuon ang estratehiya ng gobyerno sa ilalim ng kanino mang administrasyon.

Comments are closed.