MUKHANG seryoso na ito. Hindi pulos salita. Seryoso siya sa gawa. Ang tinutukoy ko ay ang bagong Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag. Sa ilang linggo mula nang itinalaga si Bantag bilang punong abala ng BuCor, marami ang mga pagbabago na nangyari roon na ilang dekada ay bigong nasaway ng mga dating namuno ng BuCor.
Si Bantag ay hindi galing sa military. Hindi siya nagtapos sa PMA. Siya ay naging jail warden sa limang malalaking kulungan sa Metro Manila. Ito ay sa Parañaque, Maynila, Malabon, Navotas at Valenzuela. Naging director din siya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng rehiyon ng Mimaropa. Nadawit din siya sa mga kontrobersiya na nakakuha ng atensiyon ng media noon.
Sa mga kontrobersiyal na kinasasangkutan ni Bantag, halos lahat ay dahil sa kanyang pagiging matapang at umano’y matigas na pamamahala sa mga presong napasailalim sa kanya. Noong jail superintendent siya sa Malabon, kinasuhan siya ng ilegal na pagpapaputok ng kanyang baril at estafa dahil sa umano’y hindi pagbayad ng kanyang kinain sa isang karinderya.
Ganu’n din noong 2016 nang 10 ang namatay sa pagsabog sa Parañaque City Jail. Sumugod ‘di umano ang ilang mga preso sa kanyang opisina na humihiling na ilipat sila ng detention cell. Nasaktan din si Bantag sa insidenteng iyon. Dahil sa pangyayaring ito, kinasuhan siya ng murder.
Marami na ang mga namuno ng BuCor, partikular sa pamamahala ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa, na nasilaw sa perang umaapaw mula sa mga bilanggong drug lords. Marami ring mga tauhan ng BuCor ang pumapayag makipagkutsabahan sa mga alok na salapi na mahirap tanggihan. Ito ang naging kalakaran sa BuCor na naging katanggap-tanggap na. Kaya naman maraming lumalabas na balita na patuloy pa rin ang operasyon ng mga drug lord kahit na nasa loob sila ng Bilibid.
Pero ibahin natin si Bantag. Simula nang siya ay italaga bilang pinuno ng BuCor, marami siyang ipinagbawal na polisiya tulad ng pagbabawal ng paggamit ng cellphone maski sa mga tauhan ng BuCor, kasama siya rito.
Naglalakad si Bantag sa New Bilibid Prison na may bitbit na automatic pistol. Para sa kanya, tanggap na niya ang banta sa kanyang buhay. Handa siya makipagsagupaan sa lahat ng masasagasaan niya sa mga pagbabago na nais niyang gawin sa BuCor. Hindi maarte sa pananamit. Naka-t-shirt lang at pantalon si Bantag sa trabaho.
Kamakailan ay winasak niya ang mga kubol sa New Bilibid Prison kung saan ilan sa mga tinatawag na VIP na preso ang nakatira. Ang mga nasabing kubol ay nakatayo sa tinatawag na Maximum Security Compound. Ito ang lugar kung saan ang mga preso ay may hatol ng mabigat na parusa tulad ng murder o napatunayan sa korte bilang isang drug lord.
Nakipagtulungan si Bantag sa PNP sa pamumuno ni NCRPO Director Guillermo Eleazar at mga pulis mula sa Special Action Force. Ito ay upang sugpuin ang kalakaran ng ilegal na droga sa loob ng NBP. Ayon kay Bantag, may 18,000 na preso sa loob ng Maximum Security Compound. Ang mga pagtatayo ng mga kubol ay naghihikayat ng korupsiyon sa loob ng NBP. Bago nangyari ito, sinibak ni Bantag ang mahigit na 300 ng prison guards sa Maximum.
Parang ipinasok mo si Rambo sa BuCor upang kalusin ang mga tiwali at pasaway ng tauhan sa BuCor at ganu’n din sa pagdisiplina ng mga preso roon. Tila magwawakas na ang pasarap na buhay nila roon. Marahil ay tama ang pagpili ni Pangulong Duterte kay Gerald Bantag upang mamuno sa BuCor.
Comments are closed.