ANG ‘SIERRA MADRE’ BILANG ‘GULUGOD NG LUZON’

MULING nag-trending ang Sierra Madre sa iba’t ibang social media platforms noong kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Karding sa Luzon.

Malaking tulong daw ang naibigay ng mountain range sa paghina ng bagyo sa rehiyon.

Maging ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA-DOST) ay aminadong kahit hindi pangkaraniwan ang nangyari sa paglakas ng bagyo ay napahina ito nang dumaan sa bulubundukin.

Minsan pang na-highlight ang importansya ng Sierra Madre at kung paano nito napoprotektahan ang lugar kapag may malalakas na bagyo.

Hindi lang ang kabundukan ang dapat pangalagaan kundi maging ang mga puno sa Sierra Madre na malaking tulong bilang pananggalang sa delubyo.

Bagama’t napahina ng bulubundukin ang bagyo, maraming bahay at istraktura pa rin ang nawasak matapos ang pagdaan ni Karding na dalawang beses pang nag-landfall.

Ang Sierra Madre ang pinakamahabang hanay ng kabundukan sa buong Pilipinas na may habang 960 kilometro at matatagpuan sa silangang bahagi ng mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, at Quezon.

Kung hindi ako nagkakamali, ang karaniwang lapad ng bulubunduking ito ay 35 kilometro at ang karaniwang taas naman ay 2,000 metro kung saan ang pinakamataas na bahagi nito ay ang Mt. Anacuao.

Kagubatan ang malaking bahagi ng Sierra Madre na sinasabing 1.4 milyong ektarya at kumakatawan sa 40 porsiyento ng kagubatan sa buong bansa.

Tahanan din ito ng maraming uri ng hayop at halaman na karamihan ay tanging sa bansa lamang makikita at nanganganib nang maubos.

Ang tinatayang mahigit 1,000 katutubong Dumagat ay naninirahan sa mga baybayin at paanan ng Sierra Madre.

Ang Dumagat-Remontado indigenous group ay nabubuhay sa pamamagitan ng pangangaso at pagtatanim. Sila ay may ancestral domain claims din dito.

Ang Sierra Madre ay binansagang “Backbone of Luzon” dahil ito ang nagsisilbing panangga laban sa malalakas na bagyo at daluyong kung saan kahit hindi raw nito napipigilan ang malalakas na bagyo ay napapahina naman niya ito at sinasalo ang pinakamatinding hagupit.

Naungkat naman ang panukalang batas na nakabinbin sa Kongreso na naglalayong mapalakas ang pangangalaga at pagpapaunlad sa Sierra Madre Region habang itinutulak din ang pagkakaroon ng Sierra Madre Development Authority.

Sa explanatory note ng bill ni Cong. Faustino Dy V, binanggit na ang super typhoon Lawin ay humina mula sa Category 5 at naging Category 3 na lang matapos sumalpok sa Sierra Madre habang pinahina rin ng bulubundukin ang typhoon Ulysses noong 2020 na dito’y mula raw sa lakas na 155 kph ay naging 130 kph na lamang ito nang tumama sa mountain range.

Hindi naman maitatanggi na ang mga aktibidad ng tao ang palagi at pinakamalaking banta sa planeta na ito.

Kaya mahalaga na maprotektahan ito laban sa pagmimina at pagkalbo ng kagubatan at iba pang iligal na aktibidad.

Nariyan din ang katotohanan na ang Sierra Madre ay tahanan ng halos 20 protektadong lugar at kagubatan tulad na lamang ng La Mesa Watershed Reservation at Upper Marikina River Basin Protected Landscapes.

Mayaman tayo sa mga tinatawag hotspots na mapapakinabangan natin para lumago at lumawak ang turismo sa ating bansa, kasama na riyan ang mga likas na yaman.

Sa totoo lang, ang ilan sa mga ito ay hindi pa natin alam kung paano gagamitin at hindi pa natutuklasan.

Ilan sa mga itinuturong sanhi kung bakit nagkakaroon ng hindi inaasahang mga sakuna ay ang kakulangan daw natin ng kaalaman sa kahalagahan ng kalikasan.

Siyempre, nariyan din ang abusadong paggamit nito at walang disiplina o limitasyon pagpapatayo ng mga impraestruktura, maling paraan ng pagtatapon ng basura, at marami pang iba.

Sabi nga, ang Sierra Madre ay ang “gulugod ng Luzon” sa kadahilanang nagsisilbi nga ito bilang kalasag laban sa pananalakay ng mga malalakas na bagyo at daluyong.

Ang kalikasan tulad ng mountain range na ito ay isang biyayang galing sa Diyos na pinanggagalingan ng lahat ng bagay na ating ikinabubuhay sa kasalukuyan.

Nararapat lamang na bantayan at pangalagaan natin ito habang hindi huli ang lahat.