ANG SIMULA NG SALAMIN NG KATOTOHANAN

TAONG 2012 nang magsimula ang pagsasalamin sa katotohanan ng MASAlamin kasabay ng pagka-establisa sa PILIPINO Mirror.

Marami nang nasungkit na karangalan ang nasabing babasahin, nakakatuwa dahil marahil nga itinanim na mabuti, nagbubunga ng mabuti.

Taong 2017  nang matunghayan ang PILIPINO Mirror bilang isang business tabloid, ngunit 2012 pa ito ay sinimulan bilang kakaibang tabloid na ang wangis ay hugis pang-mulat, tabloid na kakaiba dahil dalawa ang front-page, ibig sabihin dalawa ang banner headline, inilimbag sa sukat ng papel na higit ang laki sa lahat ng tabloid.

Ngunit tabloid pa rin na naghahanap ng masusumpungang merkado, dinisente kaya lalong kakaiba, walang larawang hubad, walang bihis ng salitang kabastusan, naniwala sa mambabasang Pilipino, sa kanilang kapasidad na wasakin ang lumang konsepto ng pagta-tabloid.

Hinimok ang mga ideya sa lingguhang balitaktakan sa management committee meeting (Mancom), kung saan sama-samang hinimay maging ng pinaka-matataas na opisyal ng ALC Media Group (mother company ng Filipino Mirror Media Corp. na siyang kompanyang nasa likod ng PILIPINO Mirror) kasama na ang mga may-ari, ang mga suhestiyon para sa lalong ikagaganda ng pahayagan.

Sinipat at hinubog din ng lingguhang pagdarasal para sa isang babasahing hindi lamang makatotohanan kundi makatwiran din. Sanggol na binaybay taong 2012 ngunit taong 2019 ay pumapailanlang na bilang, hindi lamang isang nakakaaliw na babasahin, kundi mas higit na kapaki-pakinabang bilang isang business tabloid.

Kinamada nito ang reyalidad ng entrepreneurship o ng pagnenegosyo, ang mga katumpakan sa bagong nilayon na branding nito. Kinamatayan na nga lamang ng kanyang bisyonaryong si Ambassador Antonio Cabangon-Chua, ngunit isinalin ang pag-ganap at pag-gabay sa pamilyang PILIPINO  Mirror sa kanyang butihing anak na si D. Edgard A.  Cabangon.

Ang sigla ay nagtatampisaw na sa malawak na karagatan ng merkado, na sinalubong naman ng hanging mapag-palayag, at ito nga ang pagtanggap nito ng gantimpala bilang Best Media Partner sa GSIS Kabalikat Award 2017, na kumumpirma hindi lamang sa galling at sipag ng kabuuang bumubuo ng PILIPINO Mirror team, kundi sa katotohanan at katwiran din ng pahayagan.

Nasa iba’t ibang sulok-sulok na ng Pilipinas ang mga suki ng ating bidang babasahin, na araw-araw na nakakadaupang-palad naman ng pinagsamang lakas, galing at igting ng marketing team nito na binubuo ng Advertising Department at Circulation Department.

Samantala, ay mala-rebolusyonaryong pinanday ng Editorial Department ang isang tabloid na hinulma na ang mga letra sa pagnenegosyo, mas may kinalaman sa tiyan at pag-asang pag-asenso ng bawat Pilipino.

Hindi nga ba isang uri ng katapangan ang mas maging makatwiran? Hindi nga ba isang rebolusyonaryong tabloid ang PILIPINO  Mirror dahil winawasak nito ang pagod nang konsepto ng pagta-tabloid na ang aliw ay nasa mga balitang sumasawsaw sa kiliti ng laman, dahas at walang kabuluhang paulit-ulit na pantatanga sa masang Pilipino?

Ibang sayaw ng pagta-tabloid ang PILIPINO  Mirror, hindi na lamang disente, pang-kabuhayan pa!

Kinasihan naman ng Langit ang radikal na pagbabagong ito, at nang sumapit nga ang ika-6 na anibersaryo ng pagkakatatag nito ay dalawang gantimpala ang nakamtan ng PILIPINO Mirror sa 16th Gawad Tanglaw Awards: ang Best Newspaper (Tabloid) at Best Opinion Columnist (Filipino) para naman kay Ed Cordevilla na siyang tagapag-tinta ng pitak na MASAlamin. Sa sumunod na mga taon ay napanatili pa rin ng PILIPINO Mirror ang pagiging Best Filipino Newspaper sa ikalawa at ikatlong pagkakataon sa Gawad Tanglaw.

Pumwesto sa merkado, maging sa kamalayan, kasama na ngayon sa rebolusyon nito  ng pagbabagong tingin sa industriya ng tabloid at pag-papahayagan ang mga datihan na at mga bagong kakampi sa paghuhulma sa mambabasang Pilipino: ang mga advertiser, subscribers, dealers, newsboys at mga suki nito sa pagbabandera ng bagong perspektiba ng lipunan at bansa sa lente ng isang pahayagang inanyong tabloid.

Hindi biro-biro ang tinahak na landas ng PILIPINO Mirror dahil isang landas na wala pang tumahak, ngunit tinahak nito ng may katapangan at determinasyon, tunay na rebolusyon sa paghuhulma sa mga mata ng Pilipino sa isang pagsasanay sa mataas na katwiran bukod sa araw-araw na katotohanang ekonomikal at pulitikal.

Sa pag-indayog ng mga panahon sa saliw ng ritmo ng araw-araw na kalakalan, tuloy-tuloy ang pag-uugnay ng produkto at presyo, ng presyo sa hapag-kainan, ng hanap-buhay at ekonomiya, ng mithiin at imprastraktura, ng mga layunin at pagpa-pamahalaan.

Iniuugnay ang bawat Pilipino sa bawat ulat at salita, sa papel at tinta, binabalangkas at sinasalamin para sa mas komprehensibo at mas malalim na unawa.

Araw-araw umiigkas ang mga camera sa kamay ng mga photo-journalist sa kani-kanilang beat at obra, araw-araw na tinututukan ng Personnel Department ang pangangailangan, maging ang mga panaghoy ng mga kawani sa napaka-metikulosong operasyon, binabalanse ng Administration Department ang mga emosyon at kasanayan, ang mga makina at mga tiyan, habang ang mga plumahe ng mga reporter, kolumnista, editor, at contributor ay bumabalangkas sa mga pigura at pangyayari, ideya at opinion, palengke at rebolusyon, samantalang ang Central Audit naman ay humihimay sa bawat galaw, materyales, gastos at iba pa ng walang ni isang sentimo, tao at oras na nasasayang.

Ganyan binubuo ang PILIPINO Mirror  sa bawat sandali, araw-araw, mga kuwento sa likod ng kuwento, mga disenyo sa likod ng lay-out ng pahayagan.

Tunay na sa pag-ibig ipinunla ni Amb. Cabangon-Chua ang PILIPINO Mirror, kung kaya’t sa pag-ibig ito yumayabong, at sa pag-ibig ito namumunga para sa aming iniibig na mga mambabasa at taga-suporta.

Ang bawat pagkilala na natatamo ng PILIPINO Mirror na sampung taon na ngayon ay sapat na gantimpala para sa mas masidhing pagtutumpak ng indibidwal na kamalayan tungo sa pambansang asam-asam na tagumpay.

Mabuhay! Ed Cordevilla