ANG sakit na “Sore Eyes” ay ang nakagawian na nating itawag sa lahat ng condition kung saan ang ating mga mata ay namamaga at minsan ay mayroong kaakibat na pagmumuta, ngunit ang terminong “Sore Eyes” ay malawak, ito ay maaring sanhi ng kapaguran ng ating mga mata, infection, irritation, at maski allergy. Sa article ko pong ito, ang pagtutuunan ko ng pansin ay doon sa infection na sanhi ng “Sore Eyes”.
Ang infection na nagreresulta ng Conjunctivitis ay yung mga mikrobyo na umaatake sa bahagi ng ating mata na tinatawag na Conjunctiva. Ang pangkaraniwang sanhi ng Infective Conjunctivitis ay Virus at Bacteria na maaring makahawa sa pamamagitan ng paghawak ng mga bagay na kontaminado ng mikrobyo or pag-handshake at ito ay naikamot or nagkaroon ng access sa ating mga mata.
Ang Viral Conjunctivitis ay kadalasan self-limiting na maaring kusang gumaling ilang araw or linggo, ngunit minsan pag ito ay grumabe, maari itong maging sanhi ng corneal scarring, corneal ulcers, at maari ring magkaroon na kasabay or superimposed na Bacterial Conjunctivitis na posibleng magpalala sa condition ng pasyente. Ang kadalasang virus na dulot nito ay ang Adenovirus, Herpes Simplex Virus at HIV na siya ring sanhi ng Sexually Transmitted Disease, Picornavirus, Varizella- Zoster Virus, at Coronavirus. Ang isang sanhi ng sakit na COVID-19 ay maaring magdulot ng Viral Conjunctivitis. Upang malaman kung ito nga ba ay COVID-19 or sanhi ng ibang Virus, ang sintomas ng isang pasyente ay kinukumpara at ang resulta ng RT-PCR test ang magsisilbing pinaka-conclusive para magkaroon ng isang tamang diagnosis.
Sa isang Banda, ang Bacterial Conjunctivitis naman ay sanhi ng isang bacteria. Ang pinagkaiba nito sa Viral Conjunctivitis ay makikita sa mga presentasyon at manifestation ng isang pasyente. Ang Bacterial Conjunctivitis kumpara sa Viral Conjunctivitis ay mas progresibo, matagal, mas maraming discharge na parang nana sa mata at minsan ito ay may kasama ring ibang sintomas bukod sa mga nararamdaman sa mata. Ang mata ay ini-examine ng isang Opthalmologist at sinisilip ang detalye ng mga parte nito upang malaman kung ano ang naapektuhan ng infection sa loob ng ating mata. Ang character ng sakit sa mata ay makakatulong upang I rule-out kung ito nga ba ay Viral or Bacterial. Ilan sa mga sanhi ng Bacterial Conjunctivitis ay ang Staphylococcus aureus, Streptococcus pneumoniae, Haemophilus influenzae, Pseudomonas aeruginosa, Moraxella lacunata, Streptococcus viridans, at Proteus mirabilis. Ang diagnosis ng sakit ay usually sa pamamagitan ng Gram Stain at Culture ng discharge ng mata, pero sa clinical setting, hindi muna ito ginagawa sapagkat ang causative agents na nabanggit ay agarang nagagamot ng Opthalmic Antibacterials, at ang culture ay nirereserba na lamang kung ang sakit ay hindi maging responsive sa naunang binigay na gamot after ng follow up ng isang pasyente.
Kapag me katanungan maaring mag email sa [email protected] o mag like at mag comment sa fan page na Medicus Et Legem sa facebook.- Dr Samuel A Zacate
Comments are closed.