ANG MGA patutsada ng isang law organization na nagngangalang Imagine Law kamakailan na ang rider training at licensing ay walang kinalaman at epekto sa usapin ng road safety ay mukhang hindi tumutugma sa lohika at taliwas sa imahinasyon ng nasabing grupo.
Nakagugulat naman talaga ang tinuran ng Imagine Law na grupo pa naman ng mga puro abogado, lalo na para sa mga proponent ng training at edukasyon sa buong mundo.
Sa isang artikulo na isinulat ni Sophia Monica V. San Luis, binanggit ng Imagine Law ang isang assessment ukol sa effectiveness of interventions para sa mga nagmomotorsiklo sa isinagawang pag-aaral ng United States National Highway Traffic and Safety Administration na nagsabing ang motro-cycle licensing at motorcycle rider training ay mababa ang impact o epekto sa road safety.
Inamin naman ng mismong pag-aaral ng Estados Unidos na limitado ang datos upang makapabigay ng hindi mapasusubaliang konklusyon ukol sa pagiging epektibo ng interventions katulad nga ng licensing at training.
Kung gayon, at mismong ang pag-aaral na pinagbasehan ng Imagine Law na umaaming hindi ito conclusive dahil sa kakulangan ng datos, ay pipiliting gamiting basehan pa rin naman ng opinyon ng nasabing organisasyon ng mga abogado, ay medyo mapapangiwi ka namang talaga dahil taliwas at lihis.
Hindi ba lumalabas na pang-aabuso ito sa isang pag-aaral para lamang sa itinutulak na interes ng mga taong nasa likod nito?
Isa pang punto, ang pag-aaral ay ginawa sa Estados Unidos na malaki ang kaibahan sa kultura at gawi ng Filipinas. Sa US kasi ang motorsiklo ay karaniwang tinitingnan bilang recreational vehicle, hindi katulad sa Filipinas na ang karaniwang gamit sa motor ay isang commuter vehicle. Diyan pa lamang sa katotohanang ‘yan ay hindi na magiging applicable sa Filipinas ang nasabing pag-aaral.
Kaya lalo akong namangha na ang isang grupo ng mga abogado na inaakala nating pagkakatalino ay mahulog sa patibong ng katangahan o pagtatanga-tangahan sa paggamit sa isang pag-aaral na bukod sa kulang sa datos ay hindi rin aakma sa Filipinas.
Comments are closed.