AYAN po. Nagsalita na ang isang senador na maalam sa mga suliranin ng industriya ng koryente. Ayon kay Sen. Win Gatchalian, dating Chairman ng Committee on Energy noong nakaraang Kongreso, ang kuwalipikasyon na kailangan sa susunod na mamumuno ng Department of Energy ay marunong sa mga teknalidad at malawak ang karanasan sa industriya ng enerhiya. Kailangan din daw na may long-term vision sa energy security ng ating bansa
“Having been at the helm of the Senate Energy Committee for the past six years, I can say that the next DOE secretary should have the following qualities: long term vision, technical knowledge, commitment to energy transition, experience and unquestionable integrity,” ang paliwanag ni Gatchalian.
Sang-ayon ako sa binitiwan na pahayag ni Gatchalian. Hindi na puwede na isang pulitiko o basta malakas sa administrasyon dahil malaki ang kanyang ambag sa nakaraang kampanya, ang iiral na kuwalipikasyon sa susunod na DOE Secretary.
Ang administrasyon ni BBM ay bumuo ng isang napakagaling na economic team na binubuo ng mga tinatawag na technocrats upang ayusin ang pagbangon ng ekonomiya ng ating bansa. Malaki ang hamon na hinaharap ng administrasyon na ito. Maliban sa dagok sa ekonomiya dulot ng pandemya sa loob na mahigit dalawang taon, pumasok pa ang hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine sa Europa na nakaaapekto sa pagtaas ng presyo ng krudo na nagdudulot ng inflation sa halos karamihan ng mga bansa. Kasama na rito ang Pilipinas.
Tulad ng tinalakay ko kamakailan sa aking kolum, nakapagtataka na halos malapit na ang opisyal na panunungkulan ni BBM bilang ating presidente ay wala pa siyang napipisil kung sino ang susunod na kalihim ng enerhiya at agrikultura. Maraming ekonomista ang nagsasabi na mahalaga na ang mamumuno rito sa nasabing dalawang departamento ay mahusay at malawak ang kaalaman sa mga nasabing industriya.
Energy at food security ang susi upang maging matagumpay ang Pilipinas na makatawid at makabangon ang ekonomiya sa harap ng suliranin ng pandemya at krisis sa Europa. Sabi nga ni Albay 2nd Dist. Representative Joey Salceda, ang edukasyon ay mahalaga sa ating kinabukasan. Subalit ang mga kabataan ay magiging matagumpay sa edukasyon kapag may sapat na nutrisyon. Upang magkaroon ng sapat na nutrisyon, kailangan na sapat ang suplay ng pagkain sa ating bansa. Iyan ang tinatawag na food security.
Samantala ang bansa na palaging manipis ang suplay ng koryente ay palaging may nagbabadyang kaganapan na magkaroon ng brownout. Kapag palaging nawawalan ng koryente, apektado ang produksyon sa negosyo. Maliban diyan, ang kakulangan ng suplay ng koryente ay nagreresulta sa mas mataas na singil ng koryente. Dagdag pa rito ay mawawala ang mga malalaking investors na pumasok sa ating bansa dahil nakikita nila na maaaring maantala ang kanilang produksiyon sa planta kapag palaging may brownout. Ang tawag diyan ay energy security.
Kailangan ng short, medium at long term development plan upang masabi natin na sapat ang suplay at reserba ng koryente sa bansa. Kapag marami ang reserba natin sa koryente, tiyak na bababa ang singil nito.
Para mangyari ito, kailangan natin ng karagdagang power plants. Hindi lamang dapat nakatuon ito sa coal plant. Dapat ay magandang kombinasyon ng renewable, gas, solar at kung makitang ligtas, nuclear power plant.
Hindi maaari na ang susunod na kalihim ay parang isang berdugo at tatakutin o aawayin ang mga stakeholders sa enerhiya. Dapat ay tingnan niya kung paano makagawa ng klima ng kompyansa sa mga negosyante na nais makilahok sa pagtulong na makamtan ang energy security ng bansa at tatalima sa mga polisiya ng ating gobyerno.
Sa ngayon may mga ilang mga pangalan ang lumulutang sa media na maaaring susunod na DOE Secretary. Nariyan si ERC Chairperson Agnes Devanadera, Cong. Mikey Arroyo na naging chairman ng committee on energy sa mababang kapulungan, Rep. Rodante Marcoleta na umatras sa kalagitnaan ng kanyang laban nitong nakaraang eleksiyon at nakilala sa pagtutol sa prangkisa ng ABS-CBN at si DOE Usec. Benito Ranque na biglang naging aktibo sa media kamakailan at nagbibigay ng kanyang pananaw tungkol sa posibleng pagtayo ng nuclear power plant sa bansa.
Maliban lang kung may biglang ‘wild horse’ na lilitaw na pangalan, ito ang mga personalidad na napag uusapan na maaaring susunod na DOE Secretary. Kung pagbabatayan natin sa pahayag ni Sen. Gatchalian sa mga kwalipikasyon na kailangan sa mamumuno sa nasabing ahensiya, sino sa palagay ninyo ang may ganitong katangian sa kanila?