HINDI pa nareresolba ang krisis sa COVID-19, isa nanamang virus ang nagbigay ng alarma na maaring magresulta ng pandemya, ang G4 H1N1 o swine flu.o
Bago natin talakayin ang sakit na ito ay mas makabubuting alamin muna kung ano nga ba ang H1N1 o mas kilala sa tawag na “swine flu”?
Ang Influenza ay isang virus na mayroong dalawang uri, ang Type A at Type B.
Ito naman ay may dalawang component; ang letrang H ay ibig sabihin ay Hemaglutinin, at ito ay may 16 na types; sa kabilang dako naman ang letrang N na ibig sabihin ay Neuraminidase ay may 9 na types. Ang Hemaglutinin at Neuraminadase ay may iba’t ibang kumbinasyon at ang mga kumbinasyon na ito ay ang mga particular na nakakahawa sa mga hayop at pati na rin sa tao.
Ang Influenza A H1N1 ay ang combination na nakakahawa sa mga baboy na ating kinakain, ngunit ilan sa mga strain nito ay may limited potential na makahawa sa tao.
Noong 2009, ang H1N1 pdm09 virus ay napatunayan na maaring makahawa ng tao, at ito ay nadeklara bilang isang pandemya ng World Health Organization (WHO) at nakahawa ng 30,000 na katao sa buong mundo.
Tulad ng sintomas ng isang flu, ang taong nahawaan ng 2009 H1N1 ay nakakitaan ng lagnat, ubo, sipon, sore throat, pananakit ng katawan at ulo, panginginig at madaling paghina ng pangangatawan, pagsusuka at pagdurumi, nagsisimula ito tatlong araw pagkatapos mahawa ng virus na ito.
Ang sakit na ito ay maiisawan sa pamamagitan ng bakuna laban dito.
Ang G4 EA H1N1 Influenza virus na nabalita ng kamakailan lang ay natagpuan sa isang pig farm sa China simula pa noong 2016, ito ay na-detect na sa ilang tao, ngunit ito ay hindi nakitaan ng sintomas o sensyales ng isang sakit.
Ayon sa report, ito ay may potential na maging isang pandemya, ngunit dahil sa kakulangan pa ng ebidensiya para rito, ang potensyal nito ay hindi pa masabi sa ngayon, at ito ay mino-monitor pa lamang ng mga eksperto.
Kaya sa ngayon, wala pong dapat ikapangamba ang ating mga kababayan.
o0o
Kung may katanungan maari pong mag-email sa [email protected] o i-like ang fan page na medicus et legem sa Facebook- Dr. Samuel A. Zacate
Comments are closed.