ANG TAONG YUMAYAMAN AY GUMAGAMIT NG HUMAN RELATIONS

rene resurrection

ANO ang karapatan nating magsungit-sungit sa ating opisina samantalang namamasukan lang naman tayo roon?  Hindi naman tayo ang may-ari ng kompanya.

Kung mayroon kang trabaho, magpasalamat ka sa Maykapal.  I-develop mo ang ‘thankful’ o ‘grateful’ attitude.  Ang trabaho ay regalo ng Diyos; dapat nating mahalin ito nang lubos.  Kung tunay kang propesyonal na manggagawa, dapat ay mayroon kang mabuting pakiki­pag-ugnayan sa lahat ng katrabaho mo, kasama na ang iyong boss at mga customer.  Kapag mahusay kang makipag-ugnayan, masarap kang katrabaho.  Dumadali ang gawain. Nagkakaroon ng mabuting teamwork sa opisina. Nagkakaroon ng environment ng kooperasyon at pagkakaisa. Sabik magtrabaho ang mga empleyado.  Maayos na napaglilingkuran ang mga customer.  Darami ang tatangkilik sa iyong kompanya. Magi­ging matatag ito, lalaki ang kita at maaaring lumaki rin ang kita ng lahat ng ­manggagawa, at kasama ka na roon.  Kaya kasama sa pagyaman mo iyong mayroon kang tinatawag na human relations.

Ang human relations ay paglikha ng goodwill o mabuting kalooban sa bawat taong nakakasalamuha mo.  ‘Pag nakuha mo ang mabuting damdamin ng mga taong nasa pa­ligid mo, babalikan ka ng kabutihan.  May nagsabi na ang human relations ay parang nagde-deposit ka ng pera sa bangko. Kung mayroon kang deposit, mayroon kang mawi-withdraw.  Subalit kung zero o negatibo ang bank account mo, wala kang mawi-wthdraw na pera.  Gayundin, sa pakikisalamuha sa tao.  Kung wala kang ipinuhunang mabuting gawa sa iyong kapwa, kung ikaw naman ang nangangailangan, walang dadamay sa iyo.  Subalit kung marami kang kabutihang asal na ipinakita sa maraming tao, sa panahon ng kagipitan, marami ang handang tumulong sa iyo.  Hindi mabigat sa kalooban ng mga tao na maghatid sa iyo ng serbisyo dahil maganda ang kalooban nila tungo sa iyo.

May aral na nagsasabi na ang mga Filipino ay may asal na tinatawag na ‘kapwa-tao’.  Ito ang isang maganda nating ugali na hinahangaan ng maraming tao, lalong-lalo na ang mga dayuhang bumibisita sa Filipinas. ‘Pag tatanungin ang mga dayuhan, “Ano ang naiibigan ninyo sa mga Filipino?”  Ang lagi nilang sagot ay, “Napaka-palakaibigan ng mga Filipino.  Bukas sila sa pakikipag-ugnayan.”  Nagtataka sila na kahit na hindi sila kilala, ang mga Filipino ay handang makipag-usap at tumulong.  May mga nababalita pa ngang kaso na kapag nasiraan ng sasakyan ang isang dayuhan sa liblib na lugar, kapag sila ay kumatok sa isang bahay ng Filipino, walang pag-aatubiling bubuksan ng Pinoy ang kanyang tahanan para sa bisitang iyon, pakaka­inin at patutulugin pa sa pin-akamagandang hapag o kuwarto.  Ito ay isang napakagandang katangian ng Filipino.  Ang tawag diyan ay kapwa-tao o human relations.  May nagsasabi rin na maraming dayuhang kompanya sa ibang bansa ang gustong-gustong gawing manager ang mga Filipino dahil kakaiba ang kanilang ‘management style’.  Mayroon silang kakayahang umugnay sa sinumang tao – mataas man o mababa – at magaling silang mag-motivate ng mga tauhan hila.

Huwag nating hayaang mawala ang kalakasang ito ng mga Filipino.  Kaya sa ­ating pinagtatrabahuhan, maging propesyonal ka.  Maging mabuti ka ring Filipino – isang taong gumagamit ng human relations.  Tatlo ang basic techniques sa human relations.  Una, igalang mo ang dangal ng kapuwa mo.  Pangalagaan mo ang kanyang self-esteem. Huwag mo siyang hihiyain.  Huwag mong mamaliitin. Bigyan mo siya ng importansiya.  Pangalawa, magkaroon ka ng tunay na pakikinig (empathy).  Damhin mo ang pakiramdam ng kausap mo.  Pasukin mo ang mundo niya.  Unawain mo siya.  At panghuli, gamitin mo ang pakikilahok. Konsultahin mo sila.  Hingan mo sila ng mga mungkahi kung paano pag-iibayuhin ang trabaho.

Tandaan: “Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”

Comments are closed.