“ANG TUBIG AY BUHAY”

SA kabila ng bumababang antas ng tubig sa angat dam, pinanatili ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyong tubig para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na 50 cubic meters per second simula Mayo 1 – 15.

Tiniyak naman ng MWSS na hindi magkakaroon ng kakapusan ng tubig at hindi rin ikinukunsidera ng Department of Environment and Natural Resources na magbawas ng supply sa kabila ng pagbaba ng water level sa mga dam.

Ayon kay MWSS Division Manager, Engr. Patrick Dizon, naglatag na rin sila ng mga hakbang upang matipid ang tubig, lalo ng mga taga-Metro Manila na pangunahing sinusuplayan ng angat dam.

Kabilang na anya sa kanilang ikinukonsidera ang pagpapataw ng multa sa mga mahuhuling magsasayang ng tubig at limitahan ang oras ng pagligo.

Idinagdag pa ni Dizon na mayroon naman silang monitoring system o mekanismo upang matukoy kung anong mga establisimyento ang malakas kumonsumo o nag-a-aksaya ng tubig.

Dahil sa nagpapatuloy na El niño, bibigyan ng MWSS ang mga consumer na labis sa paggamit ng tubig ng babala.

Kung lumaki ang konsumo ay iimbestigahan ang mga consumer at kung napatunayang wala namang leak o tagas ang kanilang kabahayan ay babalaan ang mga ito at tutulungan o tuturuan kung paano makatipid.

Sa kabila nito, muling tiniyak ni Dizon na may sapat na water supply ang mga consumer, lalo ang mga taga-Metro Manila at mga karatig-lugar at malabong maulit ang krisis sa tubig noong 2019.

Kumporme naman ang Manila Water sa plano ng gobyernong pagmultahin o parusahan ang mga consumer o establisimyentong malakas gumamit ng tubig o mapapatunayang nag-a-aksaya.

Bagaman walang kakayahan na i-monitor ang konsumo sa tubig, aminado si Manila Water Corporate Communications Head Dittie Galang na maaari naman silang tumulong sa gobyerno sa pagtukoy sa mga mag-a-aksaya kung kailangan.

Ipinauubaya na rin anya nila sa mga local government unit o ibang ahensya ng pamahalaan ang pagpapataw ng multa at sa  issue naman ng limitasyon sa oras ng pagligo, ipinaliwanag ni Galang na wala namang masama kung magtagal sa paliligo.

Bukod sa Manila Water, tiniyak din ng Maynilad na hindi magkakaroon ng service interruption kahit patuloy ang pagsadsad ng water level ng Angat dam.

Samantala, naniniwala ang SIYASAT Team na malaki ang epekto ng lumolobong populasyon sa lumalaki ring demand sa tubig, partikular sa Metro Manila.

Sadyang hindi maikakailang napakahalaga ng tubig sa buhay ng bawat tao at iba pang nilalang sa mundo hindi dapat isantabi ng gobyerno ang pagtatayo ng mga karagdagang mapagkukunan ng supply.

Bagaman may mga proyekto upang tugunan ang lumalaking demand, kagaya ng itinatayong Kaliwa dam sa Quezon province, isa sa mga malaking kuwestyon ay sasapat kaya ito para sa milyun-milyong residente ng Metro Manila at mga karatig lugar?

Para sa patas na pagtalakay, patuloy na nakikipag-ugnayan ang SIYASAT Team ng DWIZ 882 sa mga kinauukulan pang ahensya ng gobyerno upang higit na malinawan ang issue.