SA lahat ng batikos, imbestigasyon sa Kongreso, multa at parusa mula sa isang ahensiya ng gobyerno dulot ng sinasabing ‘bill shock’ noong panahon ng ECQ na tinanggap ng Meralco, tila hindi alam ng karamihan ang mga tulong na ibinigay nito sa kalagitnaan ng pandemya. Ang Meralco ay isa lamang sa grupo ng korporasyon sa ilalim ng MVP Group na pinamumunuuan ni Manny Pangilinan.
Upang makatulong sa paglikom ng pondo ng gobyerno laban sa COVID-19, isinulong ng MVP Group ang agarang pagbayad ng kanilang buwis bago pa umabot ang takdang deadline noong buwan ng Hunyo.
Namigay pa sila ng libo-libong grocery packs sa ating mga health worker at frontliners na tinuturing nating mga bagong bayani ng ating bansa. Pati ang mga sasakyan ng PLDT/Smart ay pinahiram upang gamiting sasakyan sa pagresponde sa mga nangangailangan sa pagpapadala ng ating mga frontliner sa kanilang trabaho.
Samantala, ang Meralco ay nagbigay tulong at suporta sa iba’t ibang COVID-19 treatment facilities. Nagbigay rin sila ng tulong sa mga health center sa pamamagitan ng subsidiya o libreng koryente. Namigay rin ang Meralco ng mga protective personal equipment (PPEs), hazmat suits, face mask at shield sa medical facilities at sa mga LGU noong unang sigwada pa lamang ng ECQ.
Maituturing mga frontliner din ang ilang empleyado ng Meralco sa gitna ng pandemya dahil naka-standby duty sila sa ano mang emergency at handang mag-dispatch 24/7 ng kanilang mga tao kung nangangailangan ng serbisyo sa mga kawalan ng koryente dulot ng malakas na ulan o biglaang thunderstorm.
Nanguna rin ang Meralco sa pagtulong sa gobyerno sa pakikipagtulungan sa IATF upang magkaroon ng sapat na enerhiya at koryente ang Solaire-PAGCOR Mega Quarantine Facility. Ang nasabing pasilidad ay isang priority project ng gobyerno kung saan nakagawa sila ng 525 beds. Maituturing na pinakamalaking quarantine facility sa NCR para sa Metro Manila, Bulacan at sa Calabarzon.
Patuloy rin ang mensahe na pinamamahagi sa mga customer ng Meralco sa pamamagitan ng kanilang Public Information Office na pinamumunuan ni Joe Zaldarriaga, na limang buwan na ang patuloy sa pagbaba sa presyo ng koryente. Ito na ang pinakamababang presyo ng koryente sa loob ng tatlong taon. Sinabi rin na patuloy ang pagbaba ng generation charge sa loob ng anim na buwan dulot ng isinagawa nilang CSP o competitive selection process. Dito sila nakakuha ng pinakamababa at maasahang suplay ng koryente mula sa mga power plants. Ginamit ng Meralco ang probisyon na tinatawag na ‘Force Majeure’ sa ilalim ng kanilang power supply agreement (PSA).
Dahil dito nakatipid ng mahigit na P463 million at napamahagi ito bilang savings na P0.1710 per kWh sa generation charge ang mga customer nito. Kung hindi ginawa ito sa kalagitnaan ng pandemya, baka tumaas ang singil ng koryente sa 13 centavos and 14 centavos kada kWh. Kaya may kabuuang P2.4 billion ang natipid ng mga customer.
Sa pagbayad ng koryente sa online, sinagot ng Meralco ang P47 online transaction fee na dapat ay ibabayad ng kanilang mga customer sa hiwalay na pribadong negosyo na nagbibigay serbisyo nito. Nitong buwan ng Agosto, umabot na ng P30.4 million ang sinagot ng Meralco para sa kanilang mga customer. Para naman sa mainit na isyu ng ‘bill shock’ noong panahon ng ECQ, gumawa ng sistema kung saan puwedeng hulugan ang bayad na walang interes hanggang Oktubre. Wala rin puputulan ng koryente hanggang sa parehas na buwan
Siguro ang ilan sa inyo ay hindi alam ang mga ginawang malasakit ng Meralco para sa kanilang customers at sa bayan.
Comments are closed.