NAMULAT tayo sa simpleng depinisyon ng salitang ‘bayani’.
Sa kasaysayan, sila ang mga nagbuwis ng buhay at lumaban sa mga mananakop upang makamit ng ating bansa ang kalayaan.
Subalit hindi lang sina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Gabriela Silang, Lapu-Lapu at iba pang mga magigiting na nagtanggol sa bayan ang dapat binibigyang-pugay ngayong National Heroes’ Day.
Sa modernong panahon, ang mga OFW o mga nagtatrabaho sa ibang bansa ang itinuturing na mga makabagong bayaning Filipino. Kahit mahirap ang kanilang kalagayan, patuloy pa rin dahil sa kanilang hangarin na makapagdulot ng magandang kinabukasan sa pamilya. Ang kanilang padalang dolyar ay malaking tulong sa pambansang ekonomiya ng Filipinas.
Tama, hindi lahat ng bayani ay kailangang mamatay. Maituturing din na bayani ang mga Filipino na pinagyayaman ang ating wika, ang tuma-tangkilik sa mga lokal na produkto, at ang mga Filipino na may makatuwirang aksiyon para sa ikabubuti ng bayan.
Kung may mga taong dapat tulungan, magkusa tayong kumilos para sila ay bigyan ng serbisyo kahit walang kapalit na halaga. Kung may napapansin tayong mali sa pamamalakad ng mga taong naglilingkod sa pamahalaan, dapat lang na tawagin ang kanilang pansin para maituwid para sa pagbabago. Ang lakas ng loob na magsalita ng katotohanan para sa ikabubuti ng bansa ay isang kabayanihan.
Ngayong National Heroes’ Day, bigyang pagkilala natin ang mga tunay na bayaning Filipino. Huwag tayong mag-alinlangan o matakot na maging isang bayani sa sarili nating paraan. Tayo’y may kakayahan para umpisahan, suportahan o magtulungan para makamit ang positibong pagbabago na nais natin sa ating bayan.
o0o
“Patuloy na paiigtingin ng Bureau of Plant Industry – National Plant Quarantine Services (BPI-NPQS) ang pagbabantay upang tiyak na mapro-tektahan ang sektor ng agrikultura ng bansa laban sa mga insekto at sakit na makasisira sa mga pananim at mataas na pesticide residue na delikado sa consumers bunga ng pag-aangkat ng mga prutas at gulay,” pahayag ni BPI Director George Y. Culaste.
Ito ay matapos na makumpiska ng pinagsamang elemento ng Bureau of Customs at BPI-PQS ang tinatayang Php24-M smuggled na agricultural products sa Manila International Container Port (MICP), Manila. Napag-alaman na bukod sa discrepancy sa halaga at timbang, ang mga kargamento na dumating sa magkakahiwalay na petsa noong Hulyo ay naglalaman ng carrots, sibuyas at patatas, taliwas sa nakadeklarang apples, oranges at pears.
Sa kabuuan, nasa P15-Mang halaga ng carrots, P4-Mang sibuyas at P5-Mang patatas, kung saan apat sa limang shipments ay naka-consign sa In-gredient Management Asia, Inc. at ang isa ay sa Mcrey International Trading.
Kinumpiska ang mga kargamento dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) Sections 1400, 1113 and 117, RA 3720 or the Food, Drug and Cosmetic Act and RA 10845 or the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Comments are closed.