ANG TUOB O STEAM INHALATION: EPEKTO NITO SA COVID-19

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

PATULOY na nagdudulot ng takot ang coronavirus diseases (CO­VID-19) sa buong mundo.

Sa kauna-unahang pagkakataon nakita natin ang mga lider ng iba’t ibang  bansa na umaasa sa maaaring solusyon sa sa­kit na ito at tila ba walang magawa habang sila ay naghihintay ng lunas mula sa mga resulta ng researches ng sakit na ito.

Kasama ng pagkabahala na ito at pag-aabang ay ang desperasyon bilang isang lider ng kanyang nasasakupan na kaagarang mapabuti ang kalagayan ng kaniyang mamamayan.

Dahil sa pag-asa na magkaroon ng lunas ay ang pagkiling sa alternatibong gamot.

Kamakailan lamang ay pumutok ang isyu tungkol sa “tuob” o “steam inhalation” at ang magandang epekto nito sa sakit na COVID, dahil dito isang public servant ang nagbigay ng recommendation na gamitin ito sa mga kanyang nasasakupan.

Ang “tuob o hot steam inhalation” ay isang paraan na nakagawian upang mabawasan o mabigyan ng panandaliang lunas ang mga sintomas ng ubo at sipon.

Ang tubig na pinakuluan ay nilalagay sa isang maliit na palanggana, ang steam vapor nito ay nilalanghap at kung minsan ay gunagamit din ng tuwalya o tela na tinataklob sa ulo upang mas lalong malanghap o masinghot ang steam nito.

Ang COVID bilang isang viral infection at nag-i-infect sa ating mga respiratory cells, ang isa sa common na manifestation ng sakit na ito ay dry cough, sipon at hirap sa paghinga, kaya naman ito ang naging basehan ng ilan sa ating mga kaba-bayan upang gamitin ang tuob sa coronavirus.

Ang lahat ng gamot o method na lunas sa isang sakit ay dapat naaayon sa tinatawag na “Evidence Based Studies” na ibig sabihin ay dumaan sa isang masusing pag-aanalisa gamit ang statistics at experimentation results.

Ayon sa pagsasaliksik na inilathala na pinamagatang “ Effect of Inhaling Heated Vapor on Symptoms of the Common Cold” na ginawa nila Michael L. Macknin, MD; Susan Mathew, MD; Sharon VanderBrug Medendorp, MPH, at ng pag-aaral na tinawag na Cochrane review na isinagawa noong taong 2001, at na-update noong taong 2006, 2009, 2011, ang steam inhalation ay nakakitaan ng kawalan ng benepisyo sa paglunas ng common colds na sintomas.

Kaya ito ay hindi ni rekomenda ng mga mang­gagamot, bukod pa sa kawalan ng benepisyo nito, ayon sa mga nasabing pag-aaral, maari itong kadulutan ng aksidente paglala na kapag ang tubig na mainit ay hindi inaasahang matapon sa ating katawan.

Ang COVID-19 ,sa kasamaang palad ay walang panggamot o bakuna na maaring maka­sugpo o makagamot.

Sa aking personal na opinion bilang manggagamot, hindi natin mapipigilan ang mga tao upang tangkilikin ang tuob, ngunit dapat nating isipin na ito po ay hindi makakapigil o makapagpagaling ng taong dinapuan ng coronavirus, bukod pa dito ibayong pag iingat ang dapat na isaisip at gawin ito sa isang hindi mataong lugar o mainam ito ay gawin na lamang sa inyong mga kuwarto, dahil maari itong magdulot ng pagkalat ng virus kung sakaling ang taong gumagawa nito ay naturang may sakit na talaga.

Inuulit ko po wala po itong benepisyo upang maibsan ang inyong nararamdaman ayon na din sa mga pag-aaral, ngunit kung kayo po ay hindi mapigilan at naniniwala pa rin sa paraang ito, maari pong sundin ang mga suggestion na aking nabanggit.

Ang pinakamahalagang sandata pa rin sa ngayon laban sa CO­VID-19 ay ang pananatili sa bahay, pag-iwas sa matataong lugar at kung hindi ito maiwasan ang pag-alis ay magsuot ng tamang face mask at mag-social distancing.

o0o

Kung may katanu­ngan maari pong mag-email sa [email protected] o I like ang fan page na medicus et legem sa Facebook- Dr Samuel A. Zacate.

Comments are closed.