HINDI maitatatwa na matagal nang umiiral ang tradisyon sa pulitika ng Pilipinas na may kinalaman sa 100-araw na ‘honeymoon period’ ng nakaupong lider.
Sa loob ng panahon na iyon, hinihikayat ang mga kritiko na huwag munang batikusin ang isang bagong halal na punong ehekutibo ng bansa.
Umani naman si Pangulong Bongbong Marcos Jr. ng kaliwa’t kanang papuri sa kanyang ika-100 araw simula nang manungkulan sa Malacañang noong Hunyo 30, 2022.
Nakalikha kasi siya ng ‘functional government’ sa pamamagitan nang paglalagay ng ‘best and brightest’ para manilbihan sa kanyang administrasyon.
Nariyan sina Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla bilang mga miyembro ng economic cluster ng gobyerno.
Naitala ang 7.8 percent na gross domestic product (GDP) growth sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon mula sa 5.7 percent na GDP growth noong taong 2021.
Kung susuriing mabuti, aba’y lagpas pa ito sa target na 6.5 hanggang 7.5 percent na itinakda ng economic managers ng administrasyong Marcos.
Sinasabing target daw ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang GDP growth na 6.5 hanggang 8 percent para sa susunod na taon.
Sa harap ng pangyayaring ito, patuloy pa ring gumagawa ng mga hakbang ang Marcos admin para mas mapagbuti ang buhay at kakayahan ng mga mamamayan, partikular na rito ang pagpapahupa sa inflation at pagpapalakas sa piso.
Para nga kay Albay Rep. Joey Salceda, maituturing na ‘stabilizing period’ na ang unang 100-araw ni Marcos.
Siyempre, bunga raw ito ng ‘global disruption’ na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng langis at kakapusan ng mga suplay ng pagkain at iba pa.
Sa pagpapasya at pagtugon sa mga critical areas tulad ng pag-aangkat ng agricultural products, tax policy at pagtugon sa pandemya ay naging maingat si PBBM.
Walang tigil ang paglalaan ng Department of Agriculture (DA) ng production inputs sa mga magsasaka at mangingisda upang magkaroon ng food sufficiency kung saan kasama rito ang pagkakaloob ng mataas na kalidad ng seeds at fertilizers, post-harvest machinery o facilities tulad ng trucks, dryers, at mills.
Naging produktibo rin ang pagbisita ni Marcos sa Indonesia, Singapore, at US matapos makakuha ng $18.9 bilyong halaga ng investment commitments na inaasahang makalilikha ng 134,285 na trabaho.
Kung hindi ako nagkakamali, $14.36 bilyon ang investment pledges na naiuwi ni Marcos sa kanyang inaugural state visits sa Indonesia at Singapore, kasama na raw dito ang unsolicited private-public partnership (PPP) para sa four-level elevated expressway sa kahabaan ng C-5.
May nakuha ring pledges si Marcos sa Singapore gaya ng electric tricycles na nagkakahalaga ng $5 bilyon at renewable energy project na $1.2 bilyon ang halaga.
Nakapasok din sa Marcos admin si dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson at ngayo’y Office of the Press Secretary Officer-in-Charge Usec. Cheloy Garafil.
Sapat ang background at karanasan ni Garafil sa ‘media and communications’ sa gobyerno, gayundin sa legislative branch. Malaki ang maitutulong ni Garafil sa administrasyong Marcos bilang batikang abogado.
Naitalaga naman kamakailan si dating Chief Justice Lucas Bersamin bilang Executive Secretary kapalit ni Atty. Vic Rodriguez. Mula noong Marso 2003 ay mahistrado si Bersamin ng Court of Appeals hanggang sa maitalaga siya bilang ika-25 na SC Chief Justice.
Ngunit bago siya naging CA Justice, aba’y naging Presiding Judge muna siya ng Quezon City Regional Trial Court, Branch 96. Nagtapos siya ng abogasya sa University of the East noong 1973.
Aba’y naging topnotcher o pang-siyam si Bersamin sa Bar Examinations ng taon ding iyon matapos makakuha ng average na 86.3%. Dahil sa kanyang husay at galing, ginawaran siya ng iba’t ibang parangal.
Kung titingnan ang service records ni Bersamin, hindi maitatanggi na talagang siya ang tamang tao sa kasalukuyan niyang posisyon.
Bilang kahilim ni Pangulong Marcos, tiyak na gagamitin ni Bersamin ang kanyang talino at tapang para panatilihin ang dangal at husay ng serbisyo sa hanay ng ehekutibo.