ANG UNANG FILIPINO

Noong unang panahon, nang mga diyoses pa lamang ang nani­nirahan sa Pilipinas, pinili ni Bathala — ang pinakamalakas at pinakamakapangyarihang Diyos — na manatili sa lupa, upang obserbahan kung paano mamuhay ang mga hayop at halaman.

Sa kanyang pag-iisa, nakita niyang walang kaayusan dahil walang namumuno sa mga flora at fauna. Hindi niya maaaring ibigay ang trabahong ito sa mga diyoses, diwata, at engkanto dahil may kani-kanya na silang tungkulin  kaya naisipan niyang lumikha ng tao na kahalintulad niya.

Mula sa putik na lumad ay humulma siya ng tao, at inihaw niya sa nagbabagang apoy upang tumigas.

Nainip si Bathala kaya ilang minuto lamang ay hinango na niya ang niluluto. Nakita niyang hilaw pa ito at binalak niyang muling ibalik sa apoy, ngunit nagpasya siyang maghulma na lamang ng bago.

Tulad ng dati, inihaw niya ito sa baga, ngunit sa pagkakataong ito ay naghintay siya ng matagal hanggang sa siya ay nakatulog.

Nagising lamang si Bathala nang maamoy niyang may nasusunog — at tama, nasunog nga ang kanyang niluluto.

Kumunot ang noo ni Bathala at tiningnan ang nakalabi pang lumad. Muli niya itong hinulma, ngunit dahil kakaunti na ay mas maikli ito ng bahagya kumpara sa dalawang nauna.

Gayunman, inilagay niya ito sa apoy, at sa pagkakataong ito ay binantayan niya ng husto ang kanyang niluluto, hanggang sa ang kulay nito ay maging kayumangging kaligatan.

Sa wakas, may ngiti sa mga labing hinango ni Bathala ang huling hulma. Inihilera niya sa dalampasigan ang mga ito at inayos ang kabuuan.

Ang hilaw na hulma ay binigyan niya ng dilaw na buhok at asul  na mga mata upang bumagay sa kanilang kulay.

Ang nasunog na hu­lma ay binigyan niya ng itim at kulot na buhok at itim na mga mata.

Ang huling hulmang nagpangiti kay Bathala ay binigyan niya ng itim na buhok at kulay tsokolateng mga matang bagay na bagay sa kulay na kayumangging kaligatan.

Pagku­wa’y sabay-sabay niyang hini­ngahan ang mga hulma upang bigyan sila ng buhay. Ang hilaw na hulma ay naging Americano at Europeans, ang nasunog na hulma ay naging Africans at ang kayumang­gi ay naging unang Filipino.

Mayaman ang Pilipinas sa mga kwentong mitolohiyang nagpasalin-salin sa labi ng mga naunang mamamayan sa Pilipinas. Bawat rehiyon ay may kani-kanyang kwento. Ang kwentong ito ay sa Katagalugan.

Nenet Villafania