ANG UTANG AY DAPAT BAYARAN!

Magkape Muna Tayo Ulit

HAY, naku! Papaano uusad ang ekonomiya ng ating bansa kung ganito ang mga patakaran ng ilan sa ating mga ahensiya ng gobyerno? Ang tinutukoy ko ay ang Energy Regulatory Commission (ERC).  Naglabas kasi sila ng desisyon sa pagpapahaba muli ng ‘no disconnection’ sa lahat ng Distribution Utilities (DUs) at Electric Cooperatives (ECs) sa mga hindi pa nakapagbabayad ng kanilang kinonsumong koryente mula pa noong nagsimula ang ECQ noong Abril dulot ng pandemyang COVID-19.

Sa totoo lang, lahat tayo ay tinamaan ng sinasabing ‘bill shock’ sa lahat ng mga buwanang bayarin natin simula nang magkaroon ng pandemya. Nagbago nang husto ang ating pang- araw-araw na pamumuhay. Kasama na rito  ang hanapbuhay, kalusugan, at iba pang activities natin na ginagawa noon. Hindi lamang iilan ang naapektuhan. LAHAT TAYO!

Sa mga pribadong sektor tulad ng Meralco, hinabaan nila ang kanilang pisi upang unawain ang ating sitwasyon sa nag-ipon-ipon na bayarin sa koryente. Dumaan ang Meralco sa napakatinding batikos mula sa mga militanteng grupo, politiko, at mga ordinaryong customer nila.  Sa totoo lang, ako mismo ay napanganga sa taas ng bill ko sa koryente.

Subalit ipinaliwanag ng Meralco sa kanilang abot kaya kung bakit tumaas ang singil sa ating koryente. Sa totoo lang, sila lang yata ang naglakas loob at marahil masasabing nagmalasakit upang magpaliwanag sa computation ng ating konsumo. Mayroon ba tayong narinig sa ibang utility companies na gumawa nito? Nagtatanong lamang.

Dahil dito, gumawa ng hakbang ang Meralco upang maibsan ang paghihirap ng kanilang customers sa pamamagitan ng installment na walang interest sa kanilang naipong electric bill. Hindi lamang iyan, nagbibigay ng diskwento o subsidiya ang Meralco sa kanilang mga marginalized customer o yaong mga mahihirap na pamilya na may konsumo na mas mababa sa 100kWh na umabot sa P4 bilyon noong 2019.

But wait…there’s more! Nagdesisyon pa ang Meralco na walang putulan ng koryente hanggang sa Setyembre at iniurong muli ngayong Oktubre. Ito ay udyok mula sa ilan nating mga politiko at ahensiya ng ating gobyerno. Tumalima ang Meralco. Ngayon naman, pinahaba pa ng ERC ang no disconnection notice hanggang Disyembre!

Marahil ay magra-rally na naman ang mga militante bago matapos ang Disyembre at sasabihin na hindi maganda ang pagsalubong sa bagong taon dahil mapuputulan sila ng koryente sa pagpasok ng Enero 2021! Ano na naman kaya ang susunod na dahilan upang makaiwas sa pagbayad nga kanilang utang? Tandaan, GINAMIT NINYO ANG KORYENTENG IYAN. NAKINABANG KAYO DIYAN. SIMULA NOON PA, BINABAYARAN ANG KINONSUMONG KORYENTE. HINDI LIBRE YAN!

May nakita akong blogsite. Ang pangalan ay reklamador.com. Nagbigay ng ilang halimbawa ng maling ugali nating mga Filipino sa palusot pagtungkol sa hindi pagbabayad ng utang:

“Dapat ipinaalala mo, nagastos ko tuloy lahat ng pera ko”-Daming nagpapalusot ng ganito ngayon, nakakainis sila. Alam mo ba ‘yung feeling na pinautang mo na, sinisi ka pa? ‘Pag nagpautang ba dapat lagi pang ipaalala?

“Uy, pare tumaya ako sa lotto! Hintayin mo, ha? Triple ang ibabayad ko sa’yo  ‘pag tumama ako”-May tumatama pa ba sa lotto? Jusko magpapayaman na lang ako kaysa maghintay sa bayad mo. Sabihin na lang kasi kung magbabayad pa, para wala nang taong umaasa.

“Pwedeng saka na? ‘Yung sahod ko kasi sa katapusan pa”-May katrabaho ka bang ganito? Malupit din iyang palusot na ‘yan kasi pagdating ng katapusan, naku siguradong hanapan na naman. Galingan mo na sa paghahanap kasi sila ‘yung mga nawawala pagdating ng katapusan.

“Bakit ba ang kulit mo? Hindi naman ako magtatago. Babayaran din kita ‘pag ako’y nagkapera”- ‘Yung taong ‘pag siningil mo, eh mas matapang pa sa iyo, Nung nangungutang daig pa ang pusa sa lakas magpaawa pero pagdating ng bayaran, sila pa ‘yung matatapang.

Comments are closed.