ANG WIKA AT EKONOMIYA

NGAYONG Agosto ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa. Pinili ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang ahensiya ng pamahalaan na nangunguna sa mga kaugnay na selebrasyon sa buong bansa, ang temang “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”.

Interesante para sa akin ang bahaging patungkol sa mga katutubong wika sapagkat maraming wika o lengguwahe na ngayon ang nahaharap sa tinatawag na extinction, o posibleng pagkawala. Sa palagay ko, mas nanganganib ang mga salitang gamit ng mga grupo o tribo sa mga liblib na pook.

Ayon sa mga pag-aaral, ang pagiging multilingual ay may positibong epekto sa ekonomiya. Sinabi ni Gabrielle Hogan-Brun, isang research fellow ng Language Studies sa University of Bristol, na mahalaga ang lengguwahe sa pambansang ekonomiya at maging sa indibidwal na mga negosyo. Ang bansang nagtataguyod ng paggamit ng iba’t ibang wika ay mas nagtatagumpay umano sa larangan ng kalakalan at eksport. Bukod pa rito, mas nagagawa rin niyang palakasin ang kanyang yamang tao.

Mahalagang mapabuti pa nating lalo hindi lamang ang ating English communication skills kundi pati na rin ang paggamit natin sa ating sariling wika, pagpapayaman ng ating mga katutubong wika, at ang pagkatuto ng bagong lengguwaheng banyaga para naman lumawak pang lalo ang ating kaalaman at kahusayan.

Pinatunayan na ng mga pag-aaral na ang mga kompanyang naglalaan ng puhunan upang suportahan ang kanilang multilingual staff ay nakakapagdagdag ng mas maraming bansa sa kanilang export market, habang ang mga kompanyang hindi namuhunan dito ay natatanggalan ng mga oportunidad.
(Itutuloy)

One thought on “ANG WIKA AT EKONOMIYA”

Comments are closed.