ANGARA NAKIPAGPULONG SA DEPED-NATIONAL EMPLOYEES UNION

Pinulong ni Education Secretary Sonny Angara ang DepEd National Employees Union, National Excecutive Officers at National Board of Trustees sa Department of Education Central Office upang talakayin at tugunan ang alalahanin ng mga non-teaching personnel.

Sinamahan ni DepEd NEU National President Atty.  Domingo B. Alidon, Undersecretary for Finance Annalyn M. Sevilla, OIC-Undersecretary for Human Resource and Organizational Development and Admi­nistration Wilfredo E. Cabral, Undersecretary for Operations Atty.  Revsee Escobedo, at iba pang opisyal ng DepEd at DepEd-NEU, ang pagpupulong na  nakatuon sa mga isyung ibinangon ng NEU at nagtrabaho sa pagbuo ng mga resolusyon upang ma­kinabang ang mga kawani ng Kagawaran.

Isa sa mga pangunahing paksang tinalakay ay ang panukala ng DepEd NEU na suriin ang DepEd Order No. 002, s. 2024, na nag-uutos sa agarang pag-alis ng mga gawaing administratibo sa mga guro ng pampublikong paaralan.

“Susubaybayan namin lahat.  Itatalaga ko ang HR at ang Operations team para itala ang lahat ng mga mungkahi, maraming propesyon ang kasangkot, at sigurado ako na makakalikha tayo ng pag-unlad ng landas sa karera, It may take time, so please bear with us, pero pag-aaralan namin ng maigi,” ani Secretary Angara.

Iminungkahi rin ng DepEd-NEU ang paglalaan ng 2023 Collective Negotiation Agreement Incentive (CNAI) na P3,000, kasama ang savings na pinagsama-sama mula sa DepEd Field offices, at retirement benefit na P20,000 para sa DepEd Non-Teaching Emplo­yees sa lahat ng antas ng pamamahala.

Samantala, inirekomenda ng DepEd-NEU na maglabas ng direktiba ang Departamento para matiyak ang representasyon para sa mga non-teaching personnel at ipatupad ang CNA sa Local School Boards (LSB).

“Dahil ang DepEd-NEU ay ang nag-iisang non-academic union ng DepEd, paalalahanan namin ang aming mga superintendente at mga opisyal ng rehiyon na irekomenda ang kanilang pagsama sa LSB,” paliwanag ni  Usec.  Es­cobedo.

Dagdag pa rito, iminungkahi ng DepEd-NEU ang pagbuo ng DepEd Union Management Coordinating Council (UMCC) para palakasin ang pagpapatupad ng welfare benefits na nakasaad sa CNA.

Elma Morales