PASOK sa ikalimang puwesto sa mga nangungunang senatorial candidate ang reelectionist na si Senador Sonny Angara sa isinagawang survey ng Issues and Advocacy Center para sa buwan ng Mayo (9-16) 2018.
Sa 27 pangalan na inilahok sa naturang survey na kinomisyon ng Pulso ng Pilipino, lima sa mga ito ay pawang reelectionist na kinabibilangan nina Senator Grace Poe, Cynthia Villar, Pia Cayetano, Nancy Binay, Sonny Angara at Koko Pimentel.
Base sa nasabing talaan, nananatiling nasa unang puwesto si Sen. Poe, na nakakuha ng 69 porsiyento ng paborableng boto, pumapangalawa si Sen. Villar na may 54%, Pia Cayetano, 62.5% Nancy Binay, 45% at si Senador Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara na nakakuha ng 44.7%.
Sa mga nakaraang survey na ginawa sa unang bahagi ng taon, nananatiling nasa top 5 si Angara na kilala sa kanyang mga adbokasiya sa edukasyon, trabaho at social services tulad ng pagbibigay kalinga sa senior citizens, sa PWDs at sa pinakamahihirap na Pilipino.
Ayon sa senador, ikinatutuwa niya ang patuloy na pagsulong ng kanyang pangalan, gayundin ng iba pa niyang kasamahan sa Mataas na Kapulugan sa surveys sapagkat ipinakikita lamang nito na marami sa mga Pinoy ang nananatiling malaki ang tiwala sa kanilang pagsisilbi sa bayan.
Dagdag pa ni Angara, magsisilbing inspirasyon sa kanya ang mga positibong pulso ng sambayanan upang mas pagbutihin pa ang kanyang tungkulin bilang lingkod-bayan.
Liban sa Free College Law kung saan isa si Angara sa mga pangunahing awtor, siya rin ang nagsulong ng pagpapataas sa tax exemption cap ng 13th month pay at iba pang benepisyo ng mga manggagawa na tumatanggap ng P82,000 pababa na kabuuang bonuses.
Siya rin ang utak ng VAT exemption para sa Persons with Disability (PWD) na naging daan upang makatanggap ng diskwento ang mga ito para sa iba’t ibang serbisyo na kinabibilangan ng pagpapaospital, gamot, funeral at burial services; sa lahat ng uri ng transportasyon; pagpasok sa mga hotel, restaurant at iba pa; ang CMTA o ang Customs Modernization and Tariff Act na nagpataas sa tax exemption ceiling ng Balikbayan boxes hanggang P150,000 (na dating P10,000 lamang); isinusulong din ngayon ng senador ang mas pinalawak na student fare discount na naglalayong ilibre na sa pamasahe sa buong taon ang mga mag-aaral, kahit pa Sabado o Linggo o kaya nama’y nakabakasyon tulad ng summer break, Christmas break o Holy Week vacation. VICKY CERVALES
Comments are closed.