ANGARA WALANG PLANONG TUMAKBO

BINIGYANG-DIIN  ni Senador Sonny Angara na wala siyang planong tumakbo sa isang posisyon kasunod ng kanyang pagkatalaga bilang Department of Education Secretary.

Ang termino ni Angara bilang senador ay magtatapos sa 2025.

Nang tanungin kung tatakbo siya para sa lokal na posisyon tulad ng kongresista, gobernador o bise gobernador, negatibo ang sagot niya.

“No. Galing na tayo dun. Nag-congressman na tayo ng ilang taon…Next year pang 12th year [na sa Senado]…Ang tawag dyan graduate ka na,” ani Angara.

“Hindi tayo aalis. Hindi natin tatalikuran ang trabaho natin dahil tatakbo tayo sa pulitika. I think ‘yan ang isa sa mga worries ng ating education sector na tatalikuran dahil uunahin ang sariling karera. Hindi naman mangyayari ‘yun,” dagdag ng senador.

Samantala, sa panawagan ng mga grupo na huwag magtalaga ng pulitiko bilang bagong DepEd Secretary, sinabi ni Angara na naiintindihan niya ang kanilang mga panawagan, gayunpaman, idiniin niya na hindi niya gagamitin ang kanyang bagong posisyon para sa politikal na interes.

“Naintindihan ko ‘yung opinyon na ‘yun at may punto rin sila dahil natatakot sila na pagka politiko ang umupo, gagamitin niya ang departamento para sa pulitika…Never kong gagawin ‘yan,” aniya.

Una rito, hinimok ng mga grupo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag magtalaga ng pulitiko bilang kalihim ng DepEd. LIZA SORIANO