ANGELES CITY PNP DIRECTOR SINIBAK

PAMPANGA- TULAD nang naunang banta ng pamunuan ng Philippine National Police hinggil sa command responsibility, sinibak na sa puwesto si Angeles City Police Director Col. Juritz Rara na siyang hepe ng pitong pulis na inaresto ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) kamakailan.

Ang pagsibak kay Rara ay bunsod pagkakaaresto sa 7 nitong tauhan na sangkot sa illegal detention at pangingikil sa mga suspek na umano’y sangkot sa ilegal na droga.

Ayon kay PNP spokesperson BGen. Red Maranan, naisilbi na ni PR03 Director BGen. Jose Hidalgo Jr., ang relieve order kay Rara.

Ipinalit bilang Officer-In-Charge (OIC) ng Pampanga Police si LtCol. Deonido Maniago Jr.

Kasunod nito, muling inulit ni Maranan ang babala ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr., sa iba pang opisyal na masisibak din sila sa puwesto kapag nakitang mayroong nakakulong sa kanilang hurisdiksyon na wala namang isinampang kaso.

Una nang ipinag-utos ni Acorda , ang pagbusisi lahat ng jail facility na pinangangasiwaan ng PNP para matiyak na walang nalalabag na karapatan ng mga persons deprived of liberty (PDL) dahil tiyak na sasabit ang mga city at provincial directors sa mga anomalya sa kanilang mga custodial facilities.

Ang babala ni Acorda na isasama sa credentials ng promotion kung pabaya ang mga city at provincial directors sa kanilang mga custodial facility.

Nabatid na nakatakdang maglunsad ng malawakang inspeksyon ang PNP sa custodial facilities sa bansa kasunod ginawang pagsalakay at pagdakip ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Angeles City, Pampanga at inaresto ang pitong pulis dahil sa iligal na pagkulong sa 13 indibiduwal. VERLIN RUIZ