TINITINGNAN ng mga imbestigador ang anggulong arson na sanhi ng sunog na tumupok sa malaking bahagi ng Star City Amusement Park at himpilan ng radio and television network Manila Broadcasting Company (MBC) kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Sa ulat na nakalap kay Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP) fire marshall Supt. Paul Pili, nag-umpisa ang pagkalat ng apoy na nanggaling sa stockroom ng nabanggit na amusement park kung saan nakaimbak ang mga stuff toys gayundin ang iba pang combustible materials dakong alas-12:22 kahapon ng madaling araw.
Sa tuloy-tuloy na paglaki ng apoy na kumalat na sa iba’t ibang bahagi ng naturang parke ay idineklara ang task force bravo makaraan ang dalawang oras nang pakikipagbakbakan ng mga bombero upang maapula ang sunog.
Umabot sa 70 fire trucks ang rumesponde sa naturang sunog na nagmula pa sa iba’t ibang karatig lungsod sa Metro Manila.
Idineklara ang fire under control dakong alas-6:55 na ng umaga kung saan patuloy pa rin ang mga bombero sa kanilang mopping up operations at bandang tanghali kahapon ng maideklara na nila ang fire out.
Kabilang sa mga main attractions ng naturang amusement park na tinupok na apoy ay ang Snow World na naiulat na bumagsak ang bubungan nito gayundin ang Star Theater at himpilan ng AM/FM radio na DZRH at Love Radio ayon sa pagkasunod-sunod na pag-aari ng Elizalde Group of Companies na MBC.
Nabatid mula sa management ng MBC na sa susunod na dalawang araw ay magpapatuloy ang operasyon ng dalawang himpilan ng radio ng MBC dahil mayroon naman itong mapaglilipatang lugar sa kanilang pangalawang tanggapan sa Twin Tower na matatagpuan sa likod ng Megamall, Ortigas, Pasig City.
Sa isang panayam kay Elizalde Group of Companies vice president for legal affairs Atty. Rudolph Steve Juralbal, dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay pansamantalang isasara ang operasyon ng amusement park at muling bubuksan ito sa publiko sa Oktubre ng susunod na taon.
Nilinaw ni Juralbal, kaya matagal na magsasara ang Star City dahil na rin sa matagal na pag-angkat ng mga rides na nadamay sa sunog gayundin ang pagse-setup ng mga ito.
Sa imbestigasyon naman ng kagawaran ng pamatay sunog, sinabi ni Pili na bagama’t hindi pa nila alam ang dahilan ng pinagmulan ng apoy ay kanilang tinututukan ang kasong arson dahil sa isang kahina-hinalang Twitter post na ipinakita sa kanila ni Lisa Macuja, asawa ng may-ari ng amusement park na si Fred Elizalde, na nagpost ng “Star City will soon die.”
Dagdag pa rin ni Pili, nagtataka rin umano ang mga naunang rumespondeng bombero kung bakit tila sabay-sabay nagsimulang nasunog ang iba’t ibang bahagi ng Star City ngunit hindi rin nila isinasantabi ang dahilan ng problema sa koryente ang naging sanhi ng sunog.
Sa panig naman ng mga empleyado, ang lahat ng mga ito ay nanghihinayang dahil mawawalan sila ng trabaho kung kailan dalawang buwan na lamang ay sasapit na ang araw ng Kapaskuhan kung saan dinudumog ng mga tao ang naturang amusement park. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.