NAGPAHAYAG ng kahandaan ang motorcycle taxi hailing app na Angkas sa isinusulong ni House Transportation Committee Chairman at Antipolo City 2nd Dist. Rep. Romeo Acop na masiyasat ng kaukulang investigating body ang mga sinasabing reklamo laban sa kanila.
Ayon kay Angkas Chief Executive Officer (CEO) George Royeca, sang-ayon siya sa iginigiit ng House panel chair at bukas sila sa anumang pagbusisi sa kanilang operasyon.
Magugunita na may reklamong idinulog sa Land Transportation Office (LTO) laban sa Angkas bunsod ng umano’y kabiguan nito na mapatigil ang sinasabing sobra-sobrang paniningil ng ilang riders nito, partikular noong nakaraang holiday rush.
Subalit sa kabila nito, muling tiniyak ng high-ranking Angkas official na bilang isang government partner, tutuparin nila ang kanilang commitment na makapagbigay ng ligtas at maaasahang motorcycle taxi ride service sa pamamagitan ng pagpapataas sa kalidad ng propesyunalismo sa kanilang operasyon, kasama ng mga Angkas rider.
Sa katunayan, nakipagsanib-puwersa na sila sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang maisakatuparan ang pagiging professional at dependable ng kanilang mga motorcycle rider.
Pagbibigay-diin ni Royeca na ang pagpapaigting sa professionalism ng motorcycle taxi industry sa bansa ang pangunahin nilang mithi at ito rin, aniya, ang dahilan kung bakit nilikha ang Angkas.
“Angkas offers a professional and continuous transport services as Moto Taxi (MT) and is committed to help improve the economy of Cebu and the whole country in any way we could,” dagdag pa ni Royeca.
Matatandaan na unang naglabas ng kanyang reaksyon si Acop kaugnay sa umano’y overcharging complaints na inihain laban sa Angkas ng Coalition of Filipino Commuters (CFC).
Sabi pa ng retired Police General, karapatan ng bawat Pilipino ang maghain ng reklamo laban sa nabanggit na motorcycle taxi hailing service provider.
ROMER R. BUTUYAN