HANDANG tanggapin ng JoyRide Philippines ang rider partners ng sinasabing 17,000 bilang ng mga motor rider ng Angkas na mawawalan ng trabaho.
Pero ayon kay JoyRide Philippines Vice President for Corporate Affairs Atty. Noel Eala, muling isasailalim ang mga ito sa mahigpit na training na ibinibigay sa mga baguhang riders kahit na sila ay galing na sa Angkas.
Sa ngayon aniya ay mayroon nang mahigit 6,900 ang bilang ng kanilang riders.
Halos 1,500 dito ay namamasada na habang higit 5,400 naman ang naghihintay na lamang ng activation.
Batay sa guidelines na inilabas ng technical working group na nag-aaral kung papayagan na ang motorsiklo bilang taxi, 10,000 riders lamang ang pinapayagang mamasada kada 1 sa 3 transport network companies.
Batay sa record ng Angkas na pioneer sa motor taxi service, mayroon silang 27,000 riders sa Metro Manila.
December 23 naman nang maglabas ng kautusan ang LTFRB Technical Working Group na nagbibigay ng ‘go signal’ para sumama na sa test run ang dalawa pang bagong players kabilang na ang JoyRide at Move It.
Comments are closed.