ANGKAS TINANGGAL ANG MGA NON-PRO DRIVER PAGKATAPOS MABUKING SA SENADO

Nanawagan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang motorcycle taxi riders na kamakailan ay tinanggal mula sa Angkas dahil hindi sila naka- professional na lisensya.

Ayon sa mga  rider, tinanggal sila isang araw matapos ang pagdinig sa Senado kung saan ipinahayag ni Senador Raffy Tulfo at ng ilang mambabatas ang kanilang pangamba na may mga driver na walang professional license na nakakapag-operate sa ilalim ng Angkas.

Ibinahagi ni Achillis Librinca, isa sa mga natanggal na rider, ang kanyang karanasan. Aniya, tinanggap ng Angkas ang kanyang non-professional license noong onboarding process. “Sampung buwan na ko sa Angkas as MC Taxi driver. Nung pumasok ako, sinabi nila na tutulungan nila akong makapagpalit sa professional license. Pero lumipas ang mga buwan, wala akong narinig mula sa kanila kaya akala ko ayos na,” ani Librinca.

Nabigla raw sila nang bigla siyang ma-de­activate noong nakaraang linggo, kasabay ng mahigit 100 pang driver sa kanilang lugar.

“Wala kaming natanggap na text o tawag. Isang araw matapos ang Senate hearing, nalaman ko lang mula sa kaibigan ko na na-deactivate kami. Nang tingnan ko, totoo nga,” dagdag niya.

Ayon kay Librinca, bagama’t ipinapakita ng Angkas sa publiko na sumusunod sila sa mga patakaran ng LTFRB, kulang ang kanilang proseso sa transparency at tamang gabay sa pag-upgrade ng lisensya.

“Tinawagan ko pa ang support team nila para itanong kung paano mag-upgrade ng lisensya,” ani Librinca. “Pero malabo ang sagot nila at hindi nakakatulong. Tatawag sila kapag magde-duct para sa uniform, pero kapag tungkol sa lisensya, tahimik sila.”

Sa ilalim ng pilot program ng LTFRB para sa mga motorcycle taxi, kinakailangang magkaroon ng professional driver’s license ang mga rider upang masiguro ang kaligtasan at pagsunod sa public transport standards.

Iginiit nilang hindi tinupad ng Angkas ang pangako nitong pagtulong sa proseso ng professionalization.

Bukod sa kanilang hiling na maibalik sa trabaho, nananawagan din ang mga inalis na driver sa LTFRB na papanagutin ang mga motorcycle taxi company sa tamang pag-orient sa mga driver.

Wala pang pahayag ang LTFRB ukol sa isyung ito, ngunit umaasa ang mga driver na paiimbestigahan ng ahensya ang kanilang hinaing at sisiguruhin na maging transparent ang proseso ng compliance ng mga kompanya.

Ipinahayag din ng mga inalis na rider ang kanilang kahandaang mag-upgrade ng lisensya at sundin ang mga requirements kung bibigyan sila ng pagkakataong bumalik sa plataporma.

Lumawak ang mga isyu laban sa Angkas matapos ang Senate hearing, kabilang ang alegasyon na may mga helmet na ibinibigay sa mga pasahero na kinalawang at may kuto. Kasama ang mga reklamo sa lisensya, nabubuo ang pagdududa kung nasusunod ba ng Angkas ang safety at ope­rational standards ng LTFRB Motorcycle Taxi Pilot Program.

Mariing itinanggi ni Angkas CEO George Royeca ang mga alegas­yon, ngunit ang biglaang pagtanggal ng mga rider ay nagdulot ng hinala mula sa ilang opisyal na posibleng tinatangka nitong itago ang mga paglabag sa regulasyon.

Kasabay nito, naglabas ng show-cause order ang LTFRB laban sa Ang­kas dahil sa paglabag sa limitasyon ng 15,000 riders sa Metro Manila. Ayon sa ulat, higit 50,000 riders ang kasalukuyang nagtatrabaho sa ilalim ng Angkas, na malayong lagpas sa itinakdang cap.