MAY hawak nang lead ang pulisya sa maaaring responsable sa pagmasaker sa anim na miyembro ng pamilya sa bayan ng Gonzaga.
Ayon kay Sr. Supt. Warren Gaspar Tolito, Cagayan-Philippine National Police director, iniimbestigahan na ng kanilang hanay ang tatlong kamag-anak ng mga biktima na sina Sam, Sanny at Michael Oandasan, na una nang nakaalitan ng mga biktima dahil sa lupa.
Una nang kinilala ang mga nasawi na sina Dizon Oandasan, 42; asawang si Sany Oandasan, 47; mga menor de edad na anak na sina Karen, 12; Wilson, 15; at Dizon, Jr., 5.
Mayroon aniyang lupang nilinis at tinatamnan ng mais si Dizon, na kinukuha ng tatlong nabanggit ngunit ayaw umanong ibigay ng biktima.
Nakarating ang agawan ng lupa sa mainit na barangay hearing ng magkabilang panig kung kaya’t ito ang tinitignang anggulo ng mga awtoridad na posibleng motibo sa pagpatay.
Sa nasabing insidente, himalang nabuhay ang isang taong gulang na sanggol na siyang nag-iisang nakaligtas sa pananaga sa pamilya.
Sinabi ni Tolito na nagtamo rin ng sugat ang sanggol sa kanyang ulo at balikat na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Una nang natagpuang wala nang buhay ang anim na miyembro ng pamilya Oandasan na tadtad ng taga sa kanilang bakuran sa Barangay Ipil. IRENE GONZALES
Comments are closed.