MAITUTURING na pribilehiyo na ng pagiging media at maging ng mga manunulat ang makarating sa iba’t ibang lugar.
Mapalad ang may akdang ito na marating ang Angkor Wat, Siem Reap, Cambodia, na kung isa-survey ay halos nasa bandang huli sa bucket list ng mga mahilig mamasyal.
Gayunman, ang sinumang makabibisita sa Angkor Wat Complex na nasa pusod ng Siem Reap ay magagayuma sa ganda, yaman ng kasaysayan, mitolohiya at kultura ng Cambodia.
Ang iba’t ibang templo sa Angkor Wat ang itinuturing na simbolo at logo ng Cambodia ngayon.
Dahil ang Siem Reap ay isang probinsiya, walong oras ang biyahe, sa pamamagitan ng bus (by land), mula sa kapital ng Cambodia, ang Phnom Pehn, maganda ang klima roon dahil sa mga puno.
Kahit malayo ang lalakarin ay hindi makararamdam ng pagod dahil sa malamig na klima.
NAKAMAMANGHANG KASAYSAYAN
Nabusog ang aming mata at napunan ang aming curiosity nang aming mabisita ang Angkor Wat, ang temple complex na isa sa pinakamalaking religious monuments sa buong mundo na may lawak na 162 hectares.
Ang Angkor Wat ay dating tinawag na kapital ng Khmer Empire nang ipatayo ni Khmer King Suryavaman ang Hindu temple na orihinal ay para sa itinuturing na diyos ng mga Cambodian, Vishnu subalit sa pagtatapos ng 12th century ay idinisenyo para maging Buddhist Temple.
Ang pagtatayo ng iba’t ibang templo sa Angkor Wat Complex ay tinapos ni King Survayaman III nang nasabi ring siglo.
Ang templo ay nasa itaas ng classical style ng Siem Reap na tinatawag na Khmer Architecture.
Sinasabing idinisenyo ni King Survayarman II ang mausoleum sa disenyo ng pyramid bilang estruktura ng daigdig (universe).
Ang pinakamataas na lugar sa complex ay ang Mount Meru, ang tahanan ng mga god (diyos), batay sa kanilang paniniwala.
Mayroon itong limang tore na kumakatawan sa limang peak kaya idinisenyo ang mga templo.
TOURIST SPOT
Marami pang templo na nasa loob ng Angkor Wat complex kasama ang Taphrom na isa sa binabalik-balikan ng mga dayuhan.
Dahil ang nasabing templo ay makikita ang mga estruktura na tinubuan ng puno na may malalaking ugat.
Ang kagandahan niyon, buhay ang mga puno sa Ta Prom at nagpasikat pa sa nasabing templo ay nang doon i-shoot ang pelikula ni Angelina Jolie noong 2001 na Tomb Raider.
Kabilang din ang Banteay Srei Temple na itinayo para kay Hindu God Shiva, Bayon Temple at ang mga templo na Ta Keo at Ta Nei.
Dalawang panahon ang pagpipilian kung nais mamasyal sa Angkor Wat temples, at ang mga ito ay sunrise at sunset na katangi-tanging tanawin para sa mga magkasintahan na ikakasal.
Hindi kataka-takang maraming dumarayo sa nasabing tourist spot lalo na bilang venue na prenups o pag-endorso ng damit.
MAYAMANG KULTURA AT PANINIWALA
Sa ngayon, marami pa ring nananatili sa loob ng Angkor Wat temples complex na tirahan ng mga monghe.
Para sa lokal na Cambogi, isang kabanalan ang pagtuntong sa nasabing complex habang sa mga turista, isang malaking kasaysayan at nakamamanghang karanasan ang pagbisita nila roon dahil bumalik sila sa ika-12 siglo ng mundo.