CAMP CRAME – DINAKIP ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng National Capital Region ang lider ng Angolan Budol-Budol Syndicate at dalawang kasamahan nito.
Sa press conference na isinagawa sa Camp Crame, iprinisinta ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde ang mga inaresto kasunod ng ikinasang entrapment operation sa Sunset drive corner Pacific Drive sa Pasay City nitong nakalipas na linggo.
Kinilala ni CIDG chief P/Dir. Roel Obusan ang tatlong indibidwal na sina James, 44, taga-Puerto Rico; Brown Akwe Fonboh, 43, tubong Estados Unidos; at Gum Blanche Murphy, 28, mula Angola at kasalukuyang nakatira sa isang hotel sa Ortigas Avenue, lungsod ng Pasig.
Isang Chinese ang dumulog sa tanggapan ng PNP-CIDG, matapos na mabiktima ng grupo noong Mayo 14 nang paniwalain siya na ang kanyang P250,000 ay magiging US dollar gamit ang ilang paraphernalia at mga kemikal.
Bukod pa rito, noong May 23, nanghingi rin ang Budol-Budol gang ng P5 million sa biktima at pinangakuan siya na gagawin itong 100,000 US dollars.
Dito na nagduda ang biktima kaya nagsumbong na sa CIDG na mabilis namang nagkasa ng isang dragnet operation laban sa mga suspek.
Sa entrapment operation, nagawa pang lumaban ng dalawang suspek na lalaki at nanuntok ng mga pulis na umaresto dito.
Nakuha mula sa mga suspek ang P5 milyong halaga ng ultraviolet powder dusted entrapment money; apat na plastic bottles na may white liquid chemicals at surgical gauze; isang plastic bottle body and face powder; 52 piraso ng US$100 suspected fake bills at maraming piraso na mga pinunit na US$100 suspected fake bills.
Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng mga banyagang swindlers kabilang na ang syndicated estafa, swindling, assault up-on agent of persons in authority at resistance and disobedience
Nakatakda pang makipag-ugnayan ang CIDG sa US, Angola at Puerto Rico Embassies dito sa bansa para matukoy ang totoong pagkakakilanlan ng mga suspek.
Una rito, may limang Cameroon national ang dinakip ng mga tauhan ni P/Chief Supt. Esquivel ng QCPD, na kinilalang sina Bame Jacob, 42, auto mechanic, ng 5th Ave. Condo Place, Bonifacio Global City, Ogie Oscar Mbang, 48, businessman, Tangang Yannick Ndare, 27, estudyante, kapwa taga-Guadalupe, Makati at Aly Camara, 33, ng St. Francisco Street, Sta. Rosa, Laguna, dahil sa kaparehong modus operandi. VERLIN RUIZ