ANGRY AND HUNGRY

SABONG NGAYON

NAPAKAIMPORTANTE po na pinakakain on time (7am and 4pm) ang ating mga alagang manok sapagkat dalawang bagay lamang ang iniisip nila: ang kumain at patayin ang kalaban.

Ayon po kay Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Condi­tioning Camp, isa sa pangunahing dahilan kaya ang ating manok ay hindi nagtutunaw o crop bound kasi kapag gutom na gutom na sila ay ikot na nang ikot sa tamba­ngan at kung ano-ano ang tutukain nila damo, lupa, plastic at kung ano-anong bagay na nasa paligid nila.

“Eh, bakit hindi mo subukan na ikaw ang itali sa initan na ikaw ay gutom na gutom pa, ewan ko lang kung hindi dumilat ang iyong mga mata. Nasisira ang kanilang paa kasi hila nang hila kung saan naka­tingin, kung saan nakalagay o nanggagaling ang tagapagpatuka,” ang sabi ni Doc Marvin.

“Mayroon ding case na lumulugon nang wala sa panahon o kaya ay malapit na makumpleto ang balahibo ay biglang lulugon ulit kapag sila ay palaging sumasala sa oras ng pagkain. Kapag sila ay galit na, gutom pa, pagbigay mo ng patuka at sasalubungin nila ito ng palo kaya tuluyan na nagiging manfighter. Subukan mo kayang magpalit kayo ng katayuan ng manok? Ang manok po na baliw/salbahe ay huwag na huwag ninyong papatulan sapagkat kahit kailan ay hindi mo siya kayang takutin sa dahilan na sa lahat ng nilikha ng Diyos, ang pinakamatapang ay ang manok panabong dahil siya lamang ang namamatay nang nakaharap sa kalaban!” dagdag pa niya.

At kapag naglulugon ang ating mga tandang, dapat huwag hawakan sa buntot,  sariwa pa talaga kasi kapag nabunutan ng buntot at this stage, may tendency talaga na ‘di na tumubo permanent na pundido.

“Para sa akin ay importante po talaga na may inahin na pagala-gala sa kanilang kapaligiran/environment para ma-activate/stimulate ang kanilang pagiging tandang na tandang. Kapag may kalandian ang inahin ay kilos sila nang kilos, nag-aagawan sa pag-akit sa inahin, nagko-contest sila kung sino ang lalapitan ng inahin at sa ganoong paraan ay inaayusan nila ang kanilang balahibo/pinakikintab. Observe n’yo po, tinutuka niya ‘yung oil gland sa ibabaw  ng puno/base ng buntot para kumuha ng langis at ipahid sa kanyang balahibo kasi ang inahin ay namimili rin kung sino ang makisig,” ani Doc Marvin.

“Kumbaga sa tao ay naglalagay ng gel sa kanyang buhok para maayos ang kanyang hitsura, wala namang nanliligaw ang amusin ang hitsura! Kapag inspirado/may inspirasyon po ang tandang, siya ay maganang kumain,mabilis magtunaw at kung may kaunting karamdaman ay hindi niya na nararamdaman kaya kapag may nerbiyos ang ating panlaban, maganda ay samahan ng inahin para mabuo ang kanyang loob. Para walang off ang atin panlaban,” dagdag pa niya.

Comments are closed.