BILANG paghahanda sa paparating na bagyo ay napaaga ang anihan ng mga magsasaka sa kanilang mga sinasakang pananim sa Bungcag, Dingras, Ilocos Norte.
Isa si Lyndon Madrid sa mga magsasakang gumising ng maaga para anihin ang mga pananim na papaya at kalabasa. Ang kanyang mga naaning papaya ay nagkakahalaga na P15 kada kilo habang ang maliliit na kalabasa naman ay nagkakahalaga ng P5 isa.
Inaasahang sa Biyernes, ika-14 ng Setyembre tatama sa Hilagang Luzon ang bagyong papangalanang ‘’Ompong’’ kaya naman inaani na ng mga magsasaka ang lahat ng puwede nilang anihin bago ang araw na ito para maiwasan ang pagkasalanta nang husto ng kanilang pananim.
Pinayuhan naman ni Provincial Agriculturist Norma Lagmay ang mga magsasaka na gamitin ang lakas ng tao at makina para mabawasan ang iiwang pinsala ng bagyo.
“Some rice fields in the eastern part of the province are ready for harvest but most parts are still on their vegetative stage. As a precautionary measure, we should harvest early and dry them,” dagdag pa ni Lagmay.
Samantala, pinaghahanda naman ng gobyerno hindi lang ang mga probinsiyang inaasahang tatamaan ng bagyo kundi ang bansa dahil nakikita na magiging malakas ito. LYKA NAVARROSA
Comments are closed.