TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) na magiging matatag na ang presyo ng bigas at palay sa pagsisimula ng anihan sa bansa ngayong Setyembre at Oktubre.
Ayon sa DA, target nila na magkaroon ng inisyal na hanggang limang milyong metriko toneladang (MMT) ani ng palay sa nasabing mga buwan.
Sa pagtaya ng Philippine Rice Information System (PRiSM) hanggang noong Agosto 14, inaasahang aabot sa 2 MMT ang inisyal na ani ng palay sa katapusan ng buwang ito.
Ang karamihan o bulto ng ani ay inaasahang magmumula sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Iloilo, Nueva Ecija, North Cotabato, Leyte, Oriental Mindoro, Camarines Sur, Palawan, Bukidnon, Zamboanga del Sur, at Davao del Norte.
Samantala, nasa hanggang 3 MMT naman ang aanihing palay sa susunod na buwan, na inaasahang manggagaling sa Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Isabela, Occidental Mindoro, Cagayan, Oriental Mindoro, Palawan, Bulacan, Iloilo, Bukidnon, Agusan del Sur, Ilocos Sur , Leyte, sa Camarines Sur.
Base sa ulat ni DA Undersecretary for Rice Industry Development Leo Sebastian kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kabuuan, para sa ikalawang semestre o mula Hulyo hanggang Disyembre, tinataya nilang makapag-aani sila ng mahigit sa 11 MMT na palay. Umaasa rin ang opisyal a na maaabot ang 20 MMT para sa 2023 national palay output.
BENEDICT ABAYGAR, JR.