HANGGANG ika-15 ng Nobyembre na lamang ang takdang panahon para kay Davao City Mayor Sara Duterte na magbago ang isip at sumabak sa kampanya para sa pinakamataas na posisyon sa ating bansa o kaya naman sa pagka-bise presidente.
Alam naman natin na si Sara ay nangunguna sa halos lahat ng presidential survey na isinagawa ng mga respetadong survey groups bago dumating ang deadline ng pagpa-file ng certificate of candidacy (CoC) sa Comelec noong ika-8 ng Oktubre.
Sa katunayan pa nga, marami sa mga sumusuporta kay Mayor Sara ay pumunta at nagdagsaan sa paligid ng Hotel Sofitel sa Pasay kung saan isinagawa ng Comelec ang pag-file ng kani-kanilang CoC. Walang Sara Duterte na dumating.
Subalit ang nakapagtataka sa lahat ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga supporter ni Inday Sara. Nananalangin sila na maaari pang magbago ang kanyang isip at magkaroon ng substitute sa isang kandidato na magpaparaya para kay Sara.
Sa totoo lang, ako ay namamangha sa ‘charisma’ ni Sara. Nakikita naman natin na hindi siya tulad ng mga ibang politiko na kailangang umepal at sumawsaw sa mga isyu ng bayan para makilala. Marami riyan. Kilala ninyo sila.
Ang iba naman ay nagpapamudmod ng pera tuwing siya ay pupunta sa isang lugar at umaasang tumaas ang tsansa niyang umakyat sa survey.
Ika nga ni Presidential Legal Adviser Sec. Salvador Panelo, kumpiyansa siya na kapag nagbago ang isip ni Sara at tumakbo sa pagka-presidente ay mananalo siya. Inilarawan ni Panelo si Sara bilang isang malaking palaisipan.
“For an individual who is known for her transparency and frankness, the pretty, amiable, intelligent, and soft-spoken Mayor of Davao City, Sara Zimmerman Duterte is a puzzler,” ani Panelo.
Para sa akin, tapos na ang ambisyon na tumakbo pa si Sara sa pagka-pangulo. Siya na mismo ang nagsabi na ‘the ship has sailed’ kung ang pag-uusapan ay ang desisyon niya kung tatakbo siyang presidente. Dagdag pa rito ay ibinigay na niya ang suporta niya kay presidential aspirant Bongbong Marcos (BBM).
Kaya kung mayroon mang maaaring mangyari na malaking balita bago dumating ang ika-15 ng Nobyembre ay kung magbabago ang isip ni Sara Duterte at maging bise presidente siya ni BBM. Mas kapani-paniwala at maaaring mangyari ang ganitong senaryo. Wala pang napipisil na bise presidente si BBM.
Kapag ito ang nangyari, tiyak na mapapakamot sa ulo ang mga ibang presidential at vice presidential aspirants dito. Ika nga sa wikang Ingles, ‘powerhouse tandem’ ang Marcos-Duterte. Parehas na mataas sa survey at magandang kombinasyon na taga-North at South sila.
Palagay ko ay magandang oportunidad ito para kay Mayor Sara na tumakbo bilang bise presidente. Una, kung may pag-aalinlangan siya na hindi pa siya handa sa mga tungkulin at responsibilidad bilang isang pangulo, maaari itong maging pagkakataon upang pag-aralan at magkaroon ng karanasan bilang isa sa pinakamataas na lider ng ating bansa.
Pangalawa, ang ganitong kababalaghan na napakataas sa survey ni Sara ay maaaring hindi na maibalik pagkatapos ng tatlo o anim na taon. Maaaring magbago na ang isip at suporta ng mga nakararaming Pilipino kay Sara lalo na kapag mananatili na siyang mayor ng Davao. Hindi natin hawak ang hinaharap o kinabukasan. Ganyan din sa sitwasyon ni Sara. Maaaring mawala ang ganitong oportunidad sa dumating sa kanya kapag ppinalampas niya ito. Anim na araw na lang ang paghihintay. Malay natin kung mapaaga pa ito.