NASAGIP ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na kababaihan habang naaresto naman ang dalawang katao na sinasabing bugaw sa isinagawang entrapment operation sa Pasig City .
Kinilala ang mga naaresto na sina Alvin Baldomar alyas Maja Nicolas, 21, at isang 17-anyos na menor de edad na itinago sa pangalang June, na kapwa nakakulong ngayon sa NBI detention center.
Ayon kay NBI Director Dante A. Gierran, isinagawa ang entrapment operation ng NBI- Anti Human Trafficking Division (AHTRAD) na nagresulta sa pagkaka-rescue sa limang menor de edad na nasa 14 hanggang 17 at isang 19-anyos na babae.
Nag-ugat ang operasyon sa intelligence report kaugnay sa ilegal na aktibidad ng isang Maja Nicolas na kalaunan ay nakilalang si Alvin na mula sa Pasig City.
Sangkot umano si Alvin sa pag-aalok o pagbubugaw sa mga menor de edad sa mga parokyanong Pinoy kung saan nagkakaroon ng sexual intercourse sa kanilang mga kostumer kapalit ng halagang P3,000 hanggang P5,000.
Pahayag naman ni Alvin na kusang sumasama ang mga menor de edad sa kanya at nais lamang din niyang tumulong sa mga biktima.
Ang mga nasagip na dalagita ay dinala sa DSWD-Pasig Social Welfare Development habang ang mga naarestong suspek ay mahaharap sa kasong Anti-Trafficking in Persons Act 2003 at paglabag sa R.A 7610 o Special Protection Againts Child Abuse, Exploitation, Discrimination and for Other Purposes sa Office of the Prosecutor General ng Department of Justice. PAUL ROLDAN
Comments are closed.