NATAGPUAN na kahapon ang nawawalang Cessna 206 Plane ng composite search and rescue team sa kabundukan ng Sierra Madre kasabay ng kumpirmasyon na walang nakaligtas sa anim na pasahero nito.
Ayon kay Attorney Constante “Watu” Foronda, head ng Isabela-Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa ginanap na pulong balitaan na natagpuan na ang nawawalang Cessna sa isang bulubunduking barangay sa nasabing lalawigan.
Sa inisyal na impormasyon, sinasabing wasak na wasak ang eroplano na natagpuang nakasabit pa sa mga puno at gilid ng bundok ang wreckage .
Ayon kay Engineer Ezikiel G Chavez ng local Office of Civil Defense, natagpuan na rin umano ang labi ng mga pasahero.
Ngayon araw ay tatangkain ibaba ang mga bangkay sa pamamagitan Philippine Air Force choppers kung maganda ang panahon o kaya ay ibaba ng mano mano hanggang madalala sa Maconacon at ililipad ng eroplano patungong Cauayan para madala sa isang funeral parlor at maiproseso ng PNP SOCO bago ihatid sa kani-kanilang mga pamilya.
May report na isa sa mga pasahero ang napugutan ng ulo sa lakas ng impact habang nagkalat naman ang mga gamit sa lugar na binagsakan ng Cessna plane.
Nakatakda rin magtungo ngayon sa Isabela ang probe team ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) matapos na matanggap nila ang impormasyon na natagpuan na ang nawawalang Cessna plane sa Isabela.
Ayon sa CAAP, nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Aeronautical Rescue Coordinating Center (PARCC) hinggil sa iba pang detalye kaugnay sa naturang aircraft na idineklarang missing mula pa noong Enero 24,2023 nang hindi na ito makontak matapos ang kalahating oras mula ng lumipad mula sa Cauayan airport.
VERLIN RUIZ/ IRENE GONZALES