ANIM NA SUNDALO SAPOL SA LANDMINE, 20 PA SUGATAN

Landmine

EASTERN SAMAR- ANIM na sundalo ang nasawi habang 20 iba pa ang sugatan mula sa 14th Infantry Battalion ng 8th Division ng Philippine Army na nakabase sa lalawigang ito.

Ito ay matapos na sabay na pasabugin ng New People’s Army (NPA) ang anim na landmine sa  Eastern Samar.

Ayon kay Captain Reynaldo Aragones Jr, tagapagsalita ng 8th Division ng Phil Army, nangyari ang engkuwentro sa Sitio Ba­ngon, Brgy. Pinanagan, Borongan City, Eastern Samar alas-5 ng hapon noong Lunes.

Nakatanggap umano ng report ang mga sundalo na may presensiya ng armadong grupo sa lugar kaya ikinasa ang operasyon.

Bukod sa anim na namatay ay sugatan din ang 20 nilang mga kasamahan na naka-confine  sa Camp Lukban Station Hospital.

Dahil sa layo ng lugar ay kinailangan pa nilang humingi ng air evacuation para agad na makuha ang mga namatay at mga nasugatan na sundalo.

Ang mga nasawi ay sina Sgt. Rex C. Jadulco 872820, Cpl. Ronaldo O Go 889335  (Inf) PA; Cpl Limar L. Banug 903338 (Inf) PA; PFC Kent Loyd M. Agullo 938898 (Inf) PA; Pvt Charlie P. Del Rosario 945773 (Inf) PA at Junmar D. Buranday.

Sa panig ng NPA ay isa ang namatay.

Nakiusap ang pamunuan ng 8th Division, na huwag munang ilahad ang pangalan ng mga namatay dahil hindi pa naiimpormahan ang kanilang mga pamilya. REA SARMIENTO

Comments are closed.