“Dear as I held you so close in my arms, angels are singing a hymn to your charm. Two hearts gently beating in murmuring sound, darling I love you so …”
Just in time sa 10th anniversary na ng Pilipino Mirror, isang anibersaryo rin ng pagmamahalan ang feature natin ngayon.
Ipinagdiwang nina Bobby at Lita ang kanilang ika-33 taon ng pagiging mag-asawa, halos kasabay ng anibersaryo naman ng ating pahayagan. Mahigit tatlong dekada ng masasaya at malulungkot na pangyayari – eksaktong isang dekada naman sa PM. Sa madaling sabi, nakalampas na sa seven-year itch na sinasabi nilang dapat pagdaanan.
“Thirty three years na kaming kasal at sana umabot hanggang golden wedding anniversary,” ani Lita. “Biglaang desisyong hindi ko pinagsisisihan. Napakarami naming pinagdaanang ups and downs, sakit at kalusugan… sabi nga namin noong ikasal kami, to love and to cherish till death do us part.”
Para sa selebrasyon ng kanilang anniversary, ang nag-iisa nilang anak na si Cleo ang nagprepara at naghanda kasama ang malalapit na kaanak at kaibigan sa Queen’s Strawberry Farm sa Tagaytay City.
“It could have been happier kung andito sana si Kuya,” ani Cleo, “pero alam naming kasama namin siya kahit hindi namin siya nakikita.
Ang kuyang sinasabi ni Cleo ay ang panganay niyang kapatid na si Michael na pumanaw noong kasagsagan ng pandemya dahil sa sabay na pagtaas ng presyon ng dugo at atake sa puso. Isa ito sa pinakamasakit na pagsubok na naganap sa buhay-may-asawa nina Bobby at Lita.
Nagkakilala sina Bobby at Lita noong 1988 sa isang restaurant kung saan sila parehong nagtatrabaho. Sandali lamang ang kanilang naging ligawan, at nang sumunod na taon ay ikinasal na sila. Agad din silang nagkaanak nang sumunod na taon, si Michael, at matapos uli ang dalawang taon ay isinilang ang kanilang ikalawang anak na si Cleo.
Masasabing hindi naman ‘bed of roses’ ang kanilang pagsasama. Marahil, lahat naman ng mag-asawa ay dumaraan sa hirap. Hindi rin ito perfect dahil may mga pagkakataong muntik na rin silang maghiwalay. Ngunit ang mahalaga ay magkasama pa rin sila ngayon dahil naroon ang commitment na magsasama sila ‘kahit maputi na ang buhok ko,’ sabi nga ni Sharon Cuneta.
Ayon sa kanta, “How do you keep the music playing? How do you make it last?” Ewan. Wala naman talagang formula ang pagmamahalan. Swertihan lang yan.
Sa Pilipino Mirror na dumanas din ng napakaraming pagsubok bago nakaabot ng 10 years, malayo pa ang ating lalakbayin. Sana, umabot din tayo ng 33 years, o sana, kahit 100 years pa, para maging isang pamana sa mga malilinis na diaryista. – NV