KUMUSTA, ka-negosyo? Marahil, sa panahong ito ay nakakapaghanda ka na sakaling ibaba na sa Alert Level 1 ang NCR at marahil, ang buong bansa. Ang pinakamababang alerto na ito ay nangangahulugang nasa pandemya pa rin tayo ngunit mas maluwag na ang paggalaw ng mga tao habang nakataas pa rin ang mga umiiral na health protocols. Ito ay inaasahan sa pagbaba muli ng mga kaso ng COVID-19 Omicron variant.
Sa totoo lang, kailangan na talaga ito upang umakyat ng 6 porsiyento ang GDP ng bansa, ayon kay Secretary Joey Concepcion. Malamang, nakakapag-pivot o sidestep ka na sa iyong negosyo. O kaya naman ay may bago kang negosyo na nais palaguin nang dahil na rin sa pandemya. Isa munang perspektiba ang ating tatalakayin kung saan maaaring mabago ang iyong negosyo dahil na rin sa tinaguriang ‘new normal’ o mga bagong pamamaraan ng pakikipagnegosyo o pakikipagsalamuha sa mga tao. O siya, tara na at matuto!
#1 Alamin ang ‘New Normal’
Dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, binago ng mga gobyerno ng mundo ang ating pakikipag-ugnayang personal sa isa’t isa. Kaya naman nariyan pa rin ang salitang social distancing at ang pagkakaroon ng iba’t ibang kagamitang panlaban sa virus gaya ng face mask at alcohol. Ang tinatawag na social distancing ay makaaapekto pa rin sa paraan ng pakikipag-ugnayan sa kostumer at mga empleyado. Dito pa lang, malaking adjustment ang gagawin mo sa negosyo. Nung 2020, ang kompanya namin ang nagbuo ng mga testing booths ng DOST at DOH na ipinadala sa iba’t ibang ospital sa buong Pilipinas. Kinailangan namin ng malaking lugar sa pabrikasyon nito dahil na rij sa social distancing measures na aming ipinatupad. Malamang, ganito pa rin ang mangyari sa bago na naming opisina. Kaya nga halos 50 porsiyento na agad ng mga empleyado ang ‘di pa rin makakapasok ng pisikal sa opisina. Iiral na ang work from home para ‘di na magkaroon ng bagong wave ng hawahan ng virus. Aralin mo ang magiging epekto ng new normal sa iyong negosyo ngayon pa lang. ‘Yan ang mas epektibong panimula para sa pag-pivot sa negosyo mo ngayon.
#2 Iangkop ang produkto o serbisyo sa panahon
Ano ba ang specialty ng negosyo mo? ‘Yan ang unang katanungan sa sarili bilang negosyante. Maiaangkop mo ba ang operasyon at kakayahan mo dito sa kasalukyang nangyayari? Kung nabalitaan mo noong unang bugso ng COVID noong 2020, na may mga ilang kompanya ang nag-pivot ng kanilang produksiyon gaya ng mga patahian ng damit na PPE at face mask ang kanilang ginagawa sa kasalukuyan. Ito kasi ang demand ngayon. Sa Amerika, ang mga tulad ng Gap, Nike at Zara ay bumaling din sa pagtahi ng mga PPE at face mask. Sa totoo lang, mas lumaki ang negosyo namin sa digital at teknolohiya dahil sa pangangailangan nitong pandemya. Maraming mas nangailangan ng aming mga serbisyo. Dumami na rin ang mga delivery services at magpapatuloy pa rin ito.Ikaw, paano mo maiaangkop ang serbisyo o produkto mo sa new normal?
#3 Uriin at suriin ang iyong supply chain
Mahalagang parte ng negosyo ang tinatawag na supply chain – o ang mga bagay at proseso na may kinalaman sa supply ng mga produkto at serbisyo. Maaaring ito ay may kinalaman sa mga suplay o ingredients ng produkto mo o kaya’y ang pagpapadala ng produkto mo sa mga kostumer mo. Isang halimbawa ay ang mga gulay na nanggagaling sa Benguet na siya namang dinedeliber sa Metro Manila. ‘Di ba sa mga unang linggo ng pandemyo noong 2020, nagkakahirapan sa pagpaparating ng mga gulay sa Metro Manila mula sa mga probinsya? Gayundin ang magpadala ng mga produktong mula Metro Manila papunta ng mga probinsya dahil sa kanya-kanyang lockdown ng mga bayan at pati barangay. Nang maiayos na ito ng gobyerno, gumulong nang mas maayos ang tinatawag na supply chain. Kaya mahalagang suriin mong mabuti at pag-aralan ang gagawing pag-pivot sa negosyo. Tandaan na nag-iba na rin ang pagpaparating ng mga bagay na galing sa ibang bansa ngayon. Kaya marami ang nag-sasaayos ng kanilang mga negosyo nang naaayon sa supply chain na pang-Pilipinas muna. Tandaan mo na ‘di gagalaw ang mga produkto kung ‘di maayos ang supply chain.
#4 I-update ang iyong presensiya sa online na plataporma
Kung muling binuksan mo ang iyong mga showroom, tindahan, o opisina ng pagbebenta, mag-post ng anumang nauugnay na pagbabago sa iyong mga operasyon sa iyong website. Dahil napakaraming relasyon sa negosyo ang nagsisimula sa paghahanap (o search), isaalang-alang din ang pag-update ng iyong listing sa Google, at anumang mga profile sa iba pang mga site ng negosyo, upang hikayatin ang mga umiiral at potensiyal na mamimili na mamili sa iyo. Ang mga keyword na ginagamit ng mga tao upang maghanap ng mga kompanya ay maaaring umunlad din. Isaalang-alang ang pagdaragdag ng mahahalagang salita, tulad ng ‘ligtas’ at ‘malinis’ sa iyong site upang matugunan mo ang mga kasalukuyang alalahanin. Ang ilang mga bayan, grupo ng industriya, at iba pa ay nagpo-promote ng mga listahan ng mga negosyong bukas na. Ang mga listahang ito ay kadalasang kasing simple ng isang dokumento o spreadsheet ng Google na ginawa at ibinahagi sa pamamagitan ng mga app ng komunidad o sa pamamagitan ng iba pang paraan. Tanungin ang iyong lokal na negosyo o grupo ng industriya kung mayroon. Kung hindi, isaalang-alang ang paggawa ng isa sa iyong sarili.
#5 Dagdagan ang pagkikilanlan
Maraming maliliit na negosyo ang nagdaragdag ng paggamit ng social media upang manatiling nakikita sila at mabubuhay. Kung gumagamit ka ng social media para sa iyong negosyo, doblehin ito ngayon. Ang mga plataporma gaya ng LinkedIn ay mainam para sa pagpapanatiling updated sa mga kliyente at supplier tungkol sa mga pagbabago sa mga operasyon, kapasidad sa pagmamanupaktura, paghahatid at pagtanggap ng mga protocol, at higit pa. Ang mga retailer at iba pang kompanyang nakaharap sa consumer, sa kabilang banda, ay maaaring gumamit ng mga platform tulad ng Twitter at Facebook upang i-update ang mga customer tungkol sa mga oras o iba pang mga pagbabago sa serbisyo. Ang Instagram, kung umaangkop ito sa iyong target na profile, ay isang mahusay na paraan para sa iyong negosyo na gamitin ang kapangyarihan ng mga visual na mensahe. Maaaring makatulong ang mga larawan ng iyong mga pinakabagong produkto, ang iyong team na masipag sa trabaho, o ang mga masasayang customer.
Konklusyon
Marami pang dapat ikonsidera sa mga panahon na ito at ikaw ay magpa-pivot sa negosyo, gaya ng cash flow at tauhan na puwedeng maging flexible ang oras o maging work from home. Mas mahalagang mag-pokus sa makabagong pamamaraan ng pagnenegosyo ngayon at ang kakaibang pakikipagsalamuha sa mga tao sa panahon ng ‘new normal’. Maging positibo lang at tanggapin na ito na ngayon ang panahon para mas umarangkada ka pa. Hanapin ang ‘Slingshot Strategies’ na aking nalathala sa ilang nakaraang pitak ko.Makatutulong ito sa pananaw mo. Tandaan, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang magtagumpay, ka-negosyo!
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.