ANO ANG PAG-ASANG DALA NG MAYO?

ISANG araw na lamang ay Mayo na, bagong buwan na naman sa ating buhay.

Ang May, o Mayo sa Filipino, ay maaaring ipinangalan sa Roman goddess na si Maia, na siyang tagabantay sa pagsibol ng mga halaman. Maaari rin namang nagmula ito sa salitang Latin na maiores, o mga nakatatanda.

Sabi ng matatanda, ang unang ulan sa buwan ng Mayo ay nakagagaling. Kaya ipinapayo nila ang paliligo sa unang ulan ng Mayo. Buwan din ito ng mga bulaklak, kaya nga mayroon tayong pagdiriwang ng Flores de Mayo, na siya namang naidugtong na sa Santacruzan, parada ng mga bulaklak at magagandang dilag. Umuusbong ang maraming bulaklak sa buwan ng Mayo. Maganda at makulay ang paligid at mga hardin. Hindi pa dumarating ang tag-ulan. Tag-init o summer pa ring maituturing ngunit papunta na sa tag-ulan. Masarap at sariwa ang simoy ng hangin.

Ang Araw ng Paggawa o Labor Day ay ipinagdiriwang din sa unang araw ng Mayo. Ngayong buwan ding ito natin inaalala ang mga nanay sa Mother’s Day.

Nakaugalian na rin ang pagbibigay ng bulaklak sa mga ina ngayong buwan na ito. Itinuturing na birth flower ng mga ipinanganak sa Mayo ang lily of the valley. Birthstone naman ng May birthday celebrators ang emerald.

May ilan sa ating itinataon sa Mayo ang taunang general cleaning, o spring cleaning ng mga tahanan, silid, gamit, at buong paligid. Itinatapon ang mga luma at sira, upang magbigay daan sa bago at sariwa.

Positibo ang enerhiyang dala ng buwang ito. Para sa ating mga Pilipino, napakahalaga ng Mayo ngayong taong 2022 sapagkat ihahalal ng bayan ang susunod na pangulo ng Pilipinas. Nawa’y positibo, bago, magaan, sariwa, at makulay ang naghihintay na bukas para sa ating mga Pilipino, at nawa’y magsimula nga ito ngayong buwan ng Mayo.