ANO BA ANG CSP? (PART 2)

Magkape Muna Tayo Ulit

SA ikalawang bahagi tungkol sa CSP o competitive selection process, tinutulan ng mga militanteng grupo ang ERC Resolution No. 13 dahil sa umano’y posibleng pagpapabor ng DUs kung sino ang gusto nilang kunin na Genco upang magbigay ng koryente ayon sa PSA o power supply agreement. Sinasabi ng mga militante na dapat sundin ang orihinal na 2015 DOE Circular kung saan iniuutos sa lahat ng mga DU at electric cooperative na tumalima sa CSP. Dahil nga mawawala ang posibleng kuntiyabahan ng mga Genco at DU/electric cooperative sa presyo ng bentahan ng koryente na maaring maagrabyado tayong mga konsyumer.

Panay ang protesta ng mga militanteng grupo. Sinisigaw nila na dapat ay isailalim ang transaksiyon sa pagitan ng Genco at DU/electric cooperative sa CSP. Ito raw ang kasagutan upang maiwasan ang kontiyabahan ng mga ito. Ang layunin nga ng CSP ay upang maging patas, risonable, at cost efficient para sa ating mga konsyumer sa pamamagitan ng isang transparent na transaksiyon sa pagitan ng  Gencos at DUs at electric cooperatives. Uulitin ko muli. Ang CSP ay para sa proteksiyon nating mga konsyumer.

Sa katunayan, nagsampa ang ilan sa mga consumer group sa Korte Suprema tungkol dito. Nagdesisyon ang Supreme Court at pumabor sa kanila. Ayon sa nasabing desisyon, binalewala ang resolusyon ng ERC at pinairal ang kautusan ng DOE na sumailalim lahat sa CSP.

Ang kataka-taka rito, ngayon na tumalima na ang lahat na sumailalim sa CSP, bakit ayaw pa rin ng mga militanteng grupo? Ang Meralco ay nagsagawa kamakailan ng bidding ayon sa CSP upang maghanap ng magsu-suplay ng 500 megawatts sa ilalim ng kanilang power supply agreement.

Bago pa lang magsimula ito, ang grupo nina Colemnares at Zarate ay umalma sa planong ito. Sa katunayan, nagsampa pa sila ng TRO laban dito. Ay sus! Ano ba talaga kuya? Dati itinutulak nila na magsagawa ng CSP. Ngayon at sumunod sa batas at desisyon ng Kor­te Suprema ang Meralco na mag-sagawa ng CSP sa kanilang PSA, tutol pa rin sila.

Ano ba talaga ang rason ng mga ito? Gusto ba nila pabagsakin ang Meralco? Kung magkaproblema ang suplay ng koryente at magkaroon tayo ng blackout, sino ang agrabyado rito? Hindi ba tayong mga konsyumer?

Ang mahirap sa mga militanteng grupo, pulos batikos subali’t wala namang solusyon o alternatibo sa mga pa­ngangailangan natin. Ang nakapag-tataka pa rito ay tila Meralco lamang ang kanilang pinupuntirya. Bakit wala silang aksiyon laban sa isyu ng Panay Electric Company Inc. o (PECO) kung saan nagkaroon ng malaking gusot sa pag-takeover ng grupo ng MORE Electric and Power Corp. matapos na hindi nabigyan ng prangkisa muli ang PECO?

Wala ba silang masasabi rito sa dalawang malalaking korporasyon na nagbabangayan sa pamamahala ng prangkisa sa isla ng Panay? Ang apektado rito ay ang mga konsyumer ng koryente roon? Bakit Meralco lang ang idinidiin ng mga militanteng grupo? Bakit?

Iyan ang dapat na pag-isipan nating mabuti. Ano ba talaga ang tunay na agenda ng mga militanteng grupo na ito? Ginagamit lang ba nila tayo at ipinapakita nila na masama ang lahat ng mga kapitalista at mamumuhunan na dapat ay tuluyan na malugi ang mga ito? Ano naman ang mangyayari sa ating ekonomiya? Tulad nga ng sinasabi ni Pangulong Duterte, ano ba ang ugnayan ng mga militanteng grupo sa mga teroristang NPA? Ano ba ang agenda ng NPA? Sa katunayan, hinamon ng kasalukuyang admi­nistrasyon ni Duterte ang mga militanteng grupo na kondenahin ang NPA bilang isang terrorist group. Bilang pagpapatunay na wala silang uganayan sa kanila, ginawa ba nila ito? Nagtatanong lang po.

Comments are closed.