ANO BA ANG EPEKTO NG COVID-19 SA ATING EKONOMIYA?

Magkape Muna Tayo Ulit

NGAYON na may natuklasan ang Department of Health (DOH) na bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa dalawang Filipino, opisyal na umakyat sa lima ang naitalang kaso ng sakit.

Nakapagtataka lamang dahil ang isa sa kanila ay walang record na lumabas sa bansa ngunit positibo siya sa COVID-19. Ano kaya ang ginagawa ng ating pamahalaan upang hindi kumalat ang nakamamatay na sakit? Sana ay hindi ito umabot sa nakaaalarmang kalagayan tulad sa China, South Korea at ngayon ay umabot na rin sa mga bansa sa Europa.

May mga ulat na malaki ang epekto sa ekonomiya ng China ng COVID-19 kung saan ito nagsimula. Alam naman natin na ang China ay agresibo sa pag-akyat ng kanilang ekonomiya mula nang binuksan nila ang kanilang bansa sa kalakaran ng kapitalismo. Lumalakas sila sa kanilang manufacturing at export. Kasama na rito ang information technology, appliances, heavy equipment, mga kotse pati na rin sa pagpapautang sa ibang bansa para sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Ayon sa International Monetary Fund (IMF), mahigit $50 billion ang nawalis sa pandaigdigang ekonomiya noong buwan ng Pebrero pa lamang dahil sa epekto ng CO­VID-19.  Malaking bahagi rito ay sa ekonomiya ng China. Tandaan na pumutok ang sakit na ito, tatlong buwan na ang nakararaan.

Sa ekonomiya naman ng Filipinas, nakikita ng Asian Development Bank (ADB) na maaaring mawalan tayo ng $699 million.  Malaki kasi ang ugnayan natin sa bansang China sa pamamagitan ng pag-import ng mga produkto, trade, tourism, agrikultura, mining, at iba pa.

Dagdag pa ng ADB, kung ang pagbabasehan na datos ay ang ating GDP noong 2018 na $330.91 billion, maaaring mawalan tayo ng $669 million sa ating ekonomiya kapag nagpatuloy ang pagkalat ng COVID-19 bilang pandaigdigang krisis. $41 million dito ay sa sektor ng agrikulutra, $158 million sa kalakaran, $155 million sa manufacturing, $206 million sa turismo at $150 million sa transportasyon.  Mahigit 200,000 trabaho ang mawawala sa ating mga manggagawa.

Ayon din sa World Tourism Organization, 18% ng mga dayuhang turista na bumisita sa ating bansa ay mga Tsino noong 2018. Maaaring mawalan tayo ng $801.4 million sa tourism revenue ng ating gross domestic product o GDP ngayong taon.

Ito ay estimasyon lamang ng ADB na maaa­ring mangyari kapag lumala ang COVID-19. Hindi lamang Filipinas ang maaapektuhan dito. Ang Hong Kong, Mongolia, Singapore, Taiwan at Vietnam ay parehas sa kalagayan natin dahil sa ugnayan nila sa ekonomiya sa China.

Panalangin na lang natin na hindi lumala ang COVID-19 at pagsapit ng ilang buwan ay makahanap na ng gamot para rito. Maaaring lumala lamang ito dulot ng taglamig na panahon. Ilang buwan na lamang at papasok na ang summer. May teorya kasi na nabubuhay ang COVID-19 sa malamig na panahon.

Malalagpasan natin ito. Mahalaga ay sundin ang mga sinsasabi ng a­ting pamahalaan na palaging maghugas ng kamay o kaya ay regular na maglagay ng alcohol sa ating mga kamay. Huwag kalikutin ang ilong, mata at tainga kapag madumi ang kamay. Maaari kasing dito pumasok ang virus o bacteria. Umiwas sa mga matataong lugar, ganoon din sa mga taong may ubo at sipon. Panatilihing  malusog ang katawan. Ang lahat ng ito ay makatutulong sa pag-iwas na lumala ang COVID-19. Sa maliit na bagay na ito, makatutulong tayo na protektahan ang ating ekonomiya.

Comments are closed.