Nag -anunsiyo ang dalawang higante sa industriya ng telecommunication na nagkasundo na sila sa pag-iisa ng PLDT at Sky Cable, ilang buwan na ang nakaraan.
Ayon sa kanilang pahayag, bibilhin ng PLDT ang Skycable sa halagang P6.75 bilyon. Sa katunayan, binigyan na rin ng basbas ang nasabing bentahan ng Philippine Competition Commission na malinis ang mga detalye ng kanilang mga kondisyon upang makuha ng PLDT ang Sky Cable.
Sa katunayan, naglabas na rin ang dalawang kompanya sa customers ng Sky Cable sa pamamagitan ng advisory kung paano ang gagawin nila upang malipat ang kanilang subscription mula Sky Cable papuntang Cignal na pag-aari ng PLDT.
Subalit noong nakaraang linggo, nabigla ang industriya nang mag-anunsiyo ang ABS-CBN, na may ari ng Sky Cable, na hindi na tuloy ang kanilang pagbebenta ng kanilang cable network sa PLDT. Anyare?
Puwes, ang unang tanong ko ay kung bakit ang ABS-CBN ang unang naglabas ng nasabing balita ngunit wala masyadong detalye kung ano ang dahilan ng pagguho sa nasabing bentahan?
Marami tuloy ang kumalat na marites kung bakit karakaraka ay nagkabaligtaran ang naunang tila solidong usapan sa nasabing pagkuha ng PLDT sa Sky Cable.
May marites pa nga na may namagitan na isang malakas na pulitiko upang siya ang kukuha ng Sky Cable at gamitin ito para sa kanyang plano sa susunod na eleksyon.
May nagsabi rin na may mga nasilip ang PLDT na hindi inilahad ng Sky Cable na mga utang na kailangan nilang bayaran maliban sa napagkasunduan na P6.75 bilyon na halaga.
May lumabas na balita din na pinapabago umano ng PLDT ang presyong napagkasunduan dahil may nakitang mga sistema sa teknolohiya ng Sky Cable na luma na at kinakailangan na palitan ng PLDT na maaaring magkaroon ng karagdagang halaga para sa pag update ng mga kagamitan na hindi akma sa kabuuang halaga ng Sky Cable. Kaya tumatawad daw ang PLDT na bawasan ang unang napagkasunduan na presyo.
Subalit mas kapanipaniwala ang bersyon na impormasyon na aking nakalap. Maliban daw kasi sa P6.75 bilyon na ibabayad ng PLDT, may utang pa raw ang Sky Cable na umaabot sa P13 bilyon.
Halos doble sa orihinal na pagkuha ng PLDT ng Sky Cable. Lalabas na susuka ng P19.75 bilyon ang PLDT upang mapatakbo ng maayos ang Sky Cable. Teka, hindi ba lugi ang PLDT kapag natuloy ang nasabing bentahan?
Alam naman natin na baon ngayon sa utang ang ABS-CBN matapos na hindi nila nakuha muli ang franchise renewal nito noong panahon ng administrasyon ni Duterte. Kaya nag -iisip ang mga Lopez kung ano ang mga kailangan na ibenta nila upang mabawasan ang mga utang nila sa bangko.
Marahil ang nakitang P13 bilyon na utang ng Sky Cable ay isa na rito.
Namayagpag ang Sky Cable noong panahon ng 1990s. Sa katunayan, isa ako sa mga naunang customer nila. Subalit sa pagtagal ng panahon, unti unting nawala ang mga paborito kong programa na pinapanood sa Sky Cable at pataas ang kanilang sinisingil sa kanilang customer. Ito ang dahilan kaya lumipat ako sa Cignal TV.
Kaya maghahanap na naman ang mga Lopez kung paano nila maisasalya ang Sky Cable. Malay natin kung ang isang bersyon ng marites na may kukuhang isang malakas na pulitiko sa administrasyon ngayon ang makakabili ng Sky Cable o kaya naman ang lumalakas na kompanya na Converge ang kukuha ng Sky Cable. Abangan.