ANO ba ang CSP o Competitive Selection Process? Ito ang isang kautusan ng Department of Energy (DOE). Ayon sa Department Circular No. DC2018-02-0003 entitled, “Adopting and Prescribing the Policy for the Competitive Selection Process in the Procurement by the Distribution Utilities of Power Supply Agreement for the Captive Market”, ‘the Department of Energy (DOE) emphasizes that the CSP policy aims to promote the needs of the consumers as presented in the Distribution Development Plan (DDPs) and Power Supply Procurement Plans (PSPPs) of the Distribution Utilities (DUs). The DU shall embrace the principle of technology neutrality and consider the reliability of energy services in a least cost manner. The DU shall also ensure that it can meet the demand for its Captive Market at any given time.’
Ang ibig sabihin lamang nito ay ang lahat ng power supply agreement (PSA) ng mga Distribution Utility (DU) o electric cooperative (EC) ay dadaan sa masusing pag-aaral sa ilalim ng supervision ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang masiguro na ang kanilang inaangkat na koryente mula sa generation companies (genco) ay may pinakamababang presyo. Sa katunayan, may kapangyarihan ang ERC na repasuhin ang mga alituntunin o guidelines ng CSP upang masiguro na maibibigay sa consumers ang pinakamababang halaga at walang aberyang supply ng koryente.
Kaya naman nagtataka ako kung bakit laging binabatikos ang Meralco tuwing ang pag-uusapan ay ang pag-angkat ng kanilang mga PSA na dumadaan sa CSP. Dati ay binabatikos sila sa pag-angkat ng koryente mula sa coal dahil nakakasira raw ito sa ating kalikasan. Dapat daw ay panahon na upang lumipat tayo sa mga renewable energy. Hindi po ganyang kadali. Kahit sa anumang proseso, kinakailangan ng tinawag na ‘transistion process’. Kaya naman ang ilan sa mga DU, tulad ng Meralco, ay tumutulay na patungo sa renewable energy sa pamamagitan ng pag-angkat ng natural gas. Hindi hamak kasi na mas malinis ito sa langis at coal.
Malaki kasi ang kinakailangan na puhunan upang makapagbigay ng sapat ng supply ng koryente sa ating bansa kapag tayo ay gagamit ng solar, wind, hydro, geothermal at biomass energy. Maganda at epektibo ito sa mga komunidad. Subalit hindi sapat ito upang makatulong makapagbigay ng koryente sa mga malalaking pabrika at komersyo na tutulak sa pag- asenso ng ating ekonomiya.
Kaya naman dapat tingnan din ng ating gobyerno kung paano matugunan ang programang ito tungo sa pagbawas ng paggamit ng enerhiya mula coal at langis. Sa katunayan tumugon ang Meralco sa panghihikayat ng DOE na umangkat ng natural gas batay sa isang direktiba na kanilang inisyu noong Oktubre ng nakaraang taon na sinasabi na ang mga “electricity distributors in Luzon must conduct competitive selection process (CSP) for power supply using indigenous natural gas as transition fuel.”
Pero teka, ano naman itong nabalitaan ko na may natalong bidder ng CSP sa Meralco na pumuputok ang butsi? Tila gumagamit ng mga alagad o organisasyon na pinapalabas na mali raw ang pagsasagawa ng bidding ng Meralco.
Ang Meralco kasi ay nagsagawa ng kanilang CSP para sa 1,200 MW supply requirement na natural gas dapat ang gagamitin. Tatlong bidders ang sumali. Kinalaunan ay ang Ilijan power plant ng SMC ang nagsumite ng pinakamababang presyo na P7.07/kWh mula sa imported na LNG mula sa South Premiere Power Corporation. Ang pangalawang bidder ay hindi lumalayo at nagsumite ng P7.10/kWh.
Subalit ang pangatlong bidder na tila pumuputok ang butsi ay ang First Natgas Power Corporation ng mga Lopez na umangkat mula sa ating Malampaya gas plant na may bid na P8.45/kWh. Teka…bakit ang laki ng diperensya sa presyo? Hindi ba dapat mas mababa nga ang presyo nito kung nanggaling mismo ang natural gas mula sa ating bansa? Bakit ganun?
Hindi ba malinaw ang kautusan ng DOE at sa pagbabantay ng ERC na dapat piliin ang magbibigay ng pinakamurang halaga ng koryente para sa kapakanan ng ating mga consumer? Bakit hindi kayang babaan ng First Natgas Power Corporation ang kanilang bid?
Halata kasi na matapos hindi manalo ay biglang nagsulputan na sa media ang pagbabatikos sa isinagawang CSP ng Meralco.
Palagay ba ninyo makakalusot ito sa ERC? At palagay rin ba ninyo na mandaraya ang Meralco dito?
Eh wala naman silang kikitain sa presyo na isinumite ng mga gencos. Ang Meralco ay sumisingil lamang ng mga 20% sa kabuuan ng binabayaran nating electric bill buwan buwan bilang distribution charge. Ang 70% ay mula sa gencos at ang natitira any pumupunta sa ating pamahalaan.
Kaya bakit ang Meralco ang sinisisi? Nakapagtataka lang.
Unahin muna natin ang kapakanan ng ating mga mamamayan. May mga ilang bilyonaryo kasi sa atin na ang iniisip nila ay magpayaman lamang. Gagamit ng impluwensya sa gobyerno, politika at pera upang makuha ang gusto nila. Kawawang Pilipinas. Ano kaya ang rason niya?