ANO BA ANG SANHI NG PAGBAGSAK NG MGA POSTE NG MERALCO SA BINONDO?

NOONG nakaraang linggo, tumambad sa balita at sa social media ang biglaang pagbagsak ng anim na poste ng Meralco sa Binondo, Manila. Ito ay sa kanto ng Quintin Paredes St. at Ongpin St., malapit sa makasaysayang Binondo Church. May tatlong sugatan at ilang sasakyan ang nasira dulot ng pagbagsak ng mga poste at kable.

Ang Meralco ay puspusang humingi ng unawa at paumanhin sa nasabing aksidente. Nakipag-ugnayan sila sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang gumawa ng masusing imbestigasyon kung ano ang sanhi ng pagbagsak ng kanilang mga poste. Dagdag pa rito ay sinabi ng tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga na sasagutin ng Meralco ang dulot ng pinsala sa mga nasugatan at nasiraan ng sasakyan.

Subalit sa kabila ng masamang pangyayaring ito, ikinatuwa ng mga apektadong customers ng Meralco nang maayos na naibalik nila ang agarang koryente sa nasabing lugar. Sa totoo lang, sa mga larawan at video na nakita natin sa mga nabuwal ng poste, aakalain ninyo na maaaring magtagal ng isang linggo bago maibalik ang koryente sa nasabing lugar. Subalit kinabukasan ay naibalik agad ng Meralco ang koryente. ‘Yan ang serbisyo. Marami sa mga regular na nagsisimba sa Binondo Church ay tuwang-tuwa sa mabilis na aksiyon ng Meralco. Ganoon din sa mga apektadong negosyante sa Binondo.

Subalit ang malaking tanong ay paano mabubuwal nang sabay- sabay ang mga kongkretong poste ng Meralco? Kung sa kalidad ng poste ang pag-uusapan, tinitiyak ng Meralco na pumapasa lahat sa mga standard o batayan upang masabing matibay ang mga ito. Hindi tulad ito ng mga ibang gamit ng mga lokal na pamahalaan na may mentalidad na ‘puwede na ‘yan’ sa mga proyektong ginagawa nila upang makatipid. Hindi ganyan ang Meralco.

Kaya ang tanong, bakit nangyari ito?

Sa inisyal na imbestigasyon, tila maraming mga cable companies ang libreng gumagamit ng mga poste ng Meralco para sa kanilang negosyo. Sa madaling salita, hindi lang mga kable ng koryente ng Meralco ang binibitbit ng nasabing mga poste. Kaya naman kapansin-pansin sa mga larawan sa aksidente na nagmistulang pansit ang iba’t ibang uri ng kable na nakita sa kalye!

Tama ba ‘yun? May pahintulot o permiso ba ang mga cable companies na gawin ito na walang paalam sa Meralco o sa lokal na pamahalaan? Palagay ko ay panahon na upang ayusin ang maling gawain na ito. Nakita naman natin ang malaking perwisyo na naidulot nito. Ang nakababahala ay ganito ang sitwasyon sa karamihan ng mga poste ng Meralco sa buong Metro Manila! Araykupo.

Sa ilang dekadang nakalipas, maraming mga telephone at cable companies ang nagsara na hanggang ngayon, ang mga lumang kable nila ay nakasukbit pa rin sa mga poste ng Meralco. Sino ba ang dapat managot nito? Dapat bang pumasok ang DICT dito upang gumawa ng programa na ‘operation linis kable’ at tanggalin ang mga hindi aktibong kable na hanggang sa ngayon ay nakabalabal pa sa mga poste ng Meralco? Nakita na natin ang resulta. Mapanganib.

Sa bigat naman kasi ng lahat ng mga kableng ito, maliban sa ligal ng kable ng Meralco, talaga namang hindi kakayanin ito ng nasabing mga poste. Dapat ay gawan ng masusing imbestigasyon at aksyon ang isyung ito.