SA totoo lang, ako ay nalilito at nahihilo sa mga nababasa ko sa social media tungkol sa bagong salapi na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na P1000. Ayon sa kanilang anunsiyo, gawa raw ito sa polymer na tinatawag nilang “smarter, cleaner and stronger”. Ang galing!
Pero teka. Ano itong kumakalat na balita na ang nasabing bagong salapi ay hindi maaaring itupi o magusot na kaunti dahil hindi raw ito tatanggapin bilang pambayad sa kalakaran. Ha?!
Akala ko ba ay ‘stronger’ o matibay ito?
Ito nga ang isa sa hinanakit ko sa BSP. Simula nang maglabas sila ng sunod sunod na bagong barya, karamihan sa ating mga Pilipino ay mas nalilito at nahihirapan upang suriin ang halaga ng ating pera.
Ang mga barya at papel na salapi ay dinisenyo upang mas madali natin malaman ang halaga ng bawat piraso nito.
Halimbawa sa piso at limang piso. Anak ng kuwago, minsan hindi ko na alam ang pagkakaiba ng dalawa!
Halos pareho ang itsura. Kung minsan nga hinahayaan ko na ang tindera na bilangin ang barya ko tuwing ako ay magbabayad gamit ang ating barya.
Pati nga ang kulay ng P100 at ang kasalukuyan na P1,000 ay halos parehas. Kung minsan nga ay napagkakamalan na nanloloko ako kapag mahigit P500 ang babayaran ko at naglalabas ako ng P100.
“Boss, P100 lang po ang ibinigay ninyo…”. Kailangan pa ba tayo pahirapan ng BSP sa kasalukuyang paghihirap natin dulot ng pandemya at inflation?
Hindi ko sinisisi ang bagong namumuno ng BSP. Palagay ko ang mga bagong uri ng ating salapi ay napag-usapan ilang taon na ang nakalipas.Ngayon naman itong isyu ng ‘Polymer’. Aba’y, noong bata pa ako, kahit lukot lukot ang kondisyon ng ating perang papel ay tinatanggap pa rin bilang uri na bayarin.
Eh bakit naman ngayon ay mas naging kumplikado?
Ang mga namimili ba sa palengke o sa bagsakan ng gulay sa Divisoria o sa Malabon at Navotas ay magiging maselan pa ba sa pamamaraan ng pagbabayad? Haller?!
Ang mga kasalukuyan at lumang perang papel natin ay gawa raw sa abaka at bulak. Subok na ang nasabing materyales. Eh kung bakit naman kasi mag-iiba pa? Ayon sa BSP, 57 na bansa ang gumagamit nito kasama na ang UK, Canada at Australia. Eh ano ngayon?
Hindi ba nila nakikita ang mga konduktor ng bus at dyip kung saan ang perang papel ay nakabalot sa kanilang mga daliri? Eh papaano na kung bawal nang itupi ang mga makabagong serye ng salapi natin?
Eh di bale wala ang kanilang pinaghirapan maghapon!
Pati ang mga ordinaryong tindero, hindi nila iniisip na unahin ang pagsinop ng kanilang pera.
Nakatambak lamang yan sa isang palanggana o tabo. Sa pagsapit ng hapon, kung saan tapos na ang kanilang pagbenta saka nila bibilangin at aayusin ang kanilang kita.
Sana naman ay inisip ng BSP ang mga ganitong aspeto bago sila maglabas ng isang uri ng materyal para sa ating salapi na dapat ay hindi itinutupi o nagugusot. Aba’y i-kwadra na lang ang ating salapi at huwag na lang kaya gamitin. Haaaaay!