KUNG kayo ay taga lungsod ng Quezon City o kaya naman ay madalas dumaan sa Commonwealth Avenue, kapansin pansin ang mga harang sa may bandang gilid ng Quezon Blvd, East Ave., sa harapan ng QC City Hall, Commonwealth Ave. at sa may Visayas Ave. Ano ba ang mga ito?
Noong buwan ng Enero, naglabas ng pahayag ang pamahalaan ng Quezon City na maaaring magkaroon ng pagsisikip ng trapik sa Elliptical Road bunsod ng pagdating ng mga heavy equipment upang umpisahan ang konstruksyon ng tinatawag nilang “Proposed Development of the Directional Islands at Intersections of East Avenue, Quezon Avenue, and Visayas Avenue”.
Huwaw. Ano yun? Parang kulang yata sa pagpapaliwanag sa mga motoristang bumabaybay sa nasabing lugar.
Ganun din sa mga taxpayer ng Quezon City kung ano ang ayusin nila na “directional islands”. Ano ba ang ilalagay nila rito? May huhukayin ba? Anong impraestruktura ang gagawin dito? Makikinabang ba o giginhawa ang mga mananakay sa kahabaan ng Elliptical road dito? Eh ang mga motorista? Gaano katagal ito?
Napansin ko lang ito dahil sa lumabas na ulat na gagawa ng isang magandang tulay, kumpleto ng landscaping na tatawid mula Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center papunta sa Quezon Memorial Circle. Sa ngayon ay makikita na natin ito. Sang ayon ako sa proyektong ito. Ang mga tao na pumupunta sa nasabing dalawang pasyalan ang makikinabang dito. Ligtas sila sa pagtawid sa Elliptical Circle.
Subalit kailangan pa yatang dagdagan ng balita at impormasyon sa sinasabi nilang “directional islands”. Parang bitin sa atin kung ano ang sinasakripisyo natin sa trapik araw araw ngunit hindi natin alam kung ang mga pansamantalang sagabal sa atin ay magdudulot ng ginhawa kapag natapos ang mga ito. Nagtatanong lang po.