AÑO, BAUTISTA AT 41 AFP OFFICERS LUSOT NA SA CA

COMMISSION ON APPOINTMENTS

KASUNOD ng kumpirmasyon ng makapangyarihang Commision on  Appointments sa pagtatalaga ng dalawang dating military general sa gabinete ni Pangulong Duterte ay nakalusot din sa CA ang 42 senior military officers.

Lusot na sa CA sina dating Armed Forces chief of Staff  Eduardo Año bilang kalihim ng  Department of the Interior and Local Government (DILG) at dating Philippine Army chief Rolando Bautista bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Agad na pinaboran pa rin ng CA members ang nominasyon  nina Bautista at Año makaraang gisahin ng mga senador dahil sa mga isyu sa kanilang ahensiya.

Si Bautista ay natanong ni Senadora Risa Hontiveros ukol sa pagpayag ng DSWD na ibaba ang minimum age requirement para sa criminal respon-sibility ng mga bata.

Samantalang inusisa naman si Año sa isyu ng sunod-sunod na pagsa­bog sa Mindanao dahil sa nasa ilalim ng DILG ang pamamahala sa Philippine National Police (PNP).

Kapwa nasagot naman ng dalawang kalihim ang mga usapin, kaya tuluyang kinumpirma ang kanilang mga appointment.

Kasabay rin nito, lumusot sa CA si Civil Service Commission ( CSC) Commissioner Aileen Lourdes Abella Lizada.

Tumagal nang mahigit sa 30 minuto ang deliberasyon sa ad interim appointment ni Lizada na nasagot naman ng maayos ang katanungan ng mga senador.

Samantala nagpa­salamat naman ang pamunuan ng Hukbong Sandatahan sa rekomendasyon ng Committee on National Defense ng CA sa kumpirmasyon ng 42 senior military officials.

Kabilang sa mga nakalusot sa CA sina acting Philippine Military Aca­demy Lt. Gen. Ronnie Evangelista, Lt. Gen. Felipe Bejar, ISAFP chief, Lt. Gen. Erwin Neri, Socom Chief Lt.Gen. Ra­miro Rey, Ascom chief Lt. Gen. Byron Calimag, Lt. Gen. Jesus Sarsagat, Lt. Gen. Pablo Lorenzo at Lt. Gen. Jose Faustino.

Kasama rin sa nakumpirma ang kontro­bersiyal na si Marine Col. Ferdinand Marcelino na inaresto ng mga tauhan ng PDEA noong 2017 sa isang anti-drug operation sa Maynila at inasunto ng drug trafficking.           VERLIN RUIZ

Comments are closed.