(Año, Esperon ‘kasama’ sa target na lilikidahin) BANTA NG KOMUNISTA AYAW PATULAN NG PNP

Banac

CAMP CRAME – PARA sa Philippine National Police (PNP) nais lamang mang-asar ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa kanilang mga pagbabanta na pagpatay sa mga pinuno ng gobyerno.

Pahayag ito ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac matapos na ibulgar ni AFP  Civil Military Operation Deputy Chief of Staff Maj. Gen. Antonio Parlade Jr. na may listahan ang CPP na target para patayin.

Nangunguna umano sa listahan sina Interior Secretary Eduardo Año, Secretary Hermogenes Esperon Jr. at Allen Capuyan ng National Commission on Indigenous People.

Ayon kay Banac normal lang ang ganitong banta lalo’t ipagdiriwang naman ng CPP ang kanilang founding anniversary sa Disyembre 29.

Hindi naman sila nagpapakampante dahil nananatiling alerto ang PNP at militar laban sa anumang  terroristic at crimi­nal activities.

Tiniyak ni Banac na hindi nila hahayaang patuloy na makapanggulo ang communist local terrorist group.

Samantala, idinaan na lamang sa biro ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang umano’y kill list na inilabas sa Department of the Interior and Local Government ni Parlade ng  National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).

Una nang ibinunyag ni Parlade sa umano’y pagbuhay ng CPP-NPA ng kanilang special operation group para isakatuparan ang paglikida sa mga personalidad na kabilang sa tina­guriang kill list ng CPP-NPA.

Hindi rin pinansin ni Año ang sinasabing pagbabanta sa kanya ng mga komunista. REA SARMIENTO /VERLIN RUIZ

Comments are closed.